‘Little Hope’ at ‘Seeds of Peace,’ kabilang sa mga bagong entry sa MMFF 2026
Kimberly Asis / Sari Story News
October 14, 2026 at 11:34:29 AM
Inanunsyo nitong Lunes, Oktubre 12, ang ikalawang batch ng mga kalahok na pelikula sa 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF), na kumukumpleto sa walong pelikulang mapapanood sa mga sinehan sa buong bansa ngayong holiday season.
Kabilang sa apat na bagong inanunsyong entries ang “Little Hope,” “Los Salvajes Bravos,” “A Perfect Marriage,” at “Seeds of Peace: The Life of Father Rhoel D. Gallardo.” Tampok sa mga pelikulang ito ang iba’t ibang genre, mula sa romantic comedy at historical drama hanggang sa biographical documentary.
Pinagbibidahan nina Yassi Pressman, Pepe Herrera, at child actress na si Cailey Ayesha Magno ang “Little Hope.” Sa direksiyon ni Benedict Mique, na siya ring nagdirehe ng “Lolo and the Kid,” pinagsasama ng pelikula ang drama, romance, at comedy.
Samantala, hatid naman ng “Los Salvajes Bravos” ang historical drama sa taunang festival. Sa direksiyon ni Paolo Dy, tampok sa pelikula sina Romnick Sarmenta at Ruru Madrid. Mula ito sa production team sa likod ng “Gomburza,” na kinilalang pinakamaraming parangal na naiuwi sa 2023 MMFF.
Kasama rin sa ikalawang batch ang “Seeds of Peace: The Life of Father Rhoel D. Gallardo,” isang biographical documentary na idinirehe ni Rommel Galapia Ruiz. Kabilang sa cast nito sina Zaijian Jaranilla, Angelie Sanoy, at Elora Españo.
Kukumpleto naman sa ikalawang batch ang "A Perfect Marriage,” na pinagbibidahan nina Kim Chiu at Paulo Avelino. Sa direksiyon ito ng award-winning filmmaker na si Dan Villegas. Kabilang sa mga nauna niyang proyekto sa MMFF ang “Uninvited,” na lumahok sa festival noong 2024, at “English Only, Please,” na naging entry noong 2014 at nagkamit sa kanya ng parangal na Best Director.
Makakasama ng apat na bagong pelikula ang unang batch ng mga entry na inanunsyo noong Hulyo: “2nd Miracle Cell No. 7,” “The Greatest Showdown,” “Amir,” at “The Haunted Carnival.” Inilabas na rin ang mga opisyal na trailer ng mga pelikulang ito, na mapapanood sa kani-kanilang social media accounts at YouTube channels.
Sa pagkakahayag ng ikalawang batch, kumpleto na ang walong opisyal na entries para sa MMFF 2026. Nakatakdang mapanood ang mga pelikula sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25.
Samantala, inaabangan na rin ang MMFF Parade of Stars na nakatakdang ganapin sa Bacolod sa Disyembre 12. Susundan ito ng mga aktibidad sa San Juan at Mandaluyong sa Disyembre 19.

