top of page

‘Hollywood ng China,’ nagbibigay ng pagkakataon sa mga turista na maging bida sa sarili nilang mini-drama

Reuters / Chenxi Yang at Nicoco Chan; Isinalin ng Sari Story Network

November 3, 2026 at 1:22:29 AM

Larawan ng mga customer na nakasuot ng Tsino

Nagsasanay para sa isang eksena mula sa isang classic Chinese drama ang mga customer na nakasuot ng tradisyonal na kasuotang Tsino bilang bahagi ng kanilang mini-drama filming experience sa Hengdian World Studios sa Dongyang, lalawigan ng Zhejiang, China noong Oktubre 29, 2026.

Reuters / Go Nakamura TPX IMAGES OF THE DAY

Nakaabang ang mga nanonood sa labas ng isang magarbong silid sa palasyo, habang sumisilip sa pintuan sa apat na babaeng nakasuot ng silk robes at jade hairpins, na umaarte ng isang eksena sa korte. Sinampal ng isa sa mga gumaganap na konsorte ang kapwa nito, bago humingi ng panibagong take ang direktor. Pagkatapos, nagtipon ang mga artista upang tingnan ang kanilang mga cellphone at nagtawanan.


Pero hindi eksena para sa isang teleserye ang kanilang ginawa.


Ang mga babae ay magkakaibigang bumiyahe nang mahigit 1,500 kilometro upang maging bida sa sarili nilang produksiyon sa Hengdian World Studios, isang malawak na studio complex sa silangang China na kilala bilang “Hollywood ng China,” kung saan kinukunan ang maraming makasaysayang drama ng bansa.


Pinalawak na ngayon ng studio ang operasyon nito tungo sa experiential tourism, kung saan binibigyan ang mga bisita ng pagkakataong gumawa ng sarili nilang mga eksena sa iba't ibang set. Kabilang dito ang replika ng Forbidden City sa Beijing at mga lumang kalye ng Shanghai na ginagamit din sa mga propesyonal na produksiyon.


Mula nang ilunsad ang karanasang ito noong Agosto, mahigit 2,000 katao na ang lumahok, ayon sa Hengdian. Puno rin ang mga booking sa halos lahat ng araw, lalo na tuwing weekend at holiday.


“Sa panahon ng National Day holiday, mula umaga hanggang gabi ang shooting ko, pero may mga bisita pa ring hindi namin maisingit (During the National Day holiday, I shoot from morning until dark, and there are still guests we can't fit in),” ayon kay Wang Weili, isang direktor na minsang nakapag-shoot ng 20 grupo sa loob lamang ng isang araw.


Sumasalamin ang atraksyong ito sa mas malawak na pagbabago sa paggastos ng mga mamimili sa China.


Bagama't naapektuhan ng bumabagal na ekonomiya at matagal na paghina ng sektor ng real estate ang pagbili ng mga produkto, mula sa mga mamahaling kagamitan hanggang sa mga kasangkapan sa bahay, patuloy namang gumagastos ang mga mamimili para sa paglalakbay, libangan, at mga bagong karanasan. Dahil dito, tumataas ang demand para sa mga atraksyong nagbibigay ng mas makatotohanang karanasan, gaya ng mga live-action role-playing game, pagsasadula ng mga makasaysayang pangyayari, at mga interactive film shoot.


“Noong bata pa ako, gusting gusto kong maglaro bilang direktor at pag-artehin ang ibang mga bata sa iba't ibang eksena (When I was a kid, I loved playing director and getting the other children to act out scenes),” kuwento ni Clare Huang, na gumanap bilang isang emperatris sa palace drama ng kanilang grupo.


“Matagal ko nang kinagigiliwan ang ganitong mga aktibidad, kaya ngayon, nagkaroon kami ng pagkakataon ng ilan kong kaibigan na maranasan kung ano ang pakiramdam nito (I've always enjoyed this kind of thing, so today a few of us girls get to see what it feels like),” dagdag niya.



Sa halagang 388 yuan o katumbas ng 55 US dollars bawat isa, nakatanggap sina Huang at ang kaniyang mga kaibigan ng hair and makeup services, mga kasuotan, 30 minutong shooting sa ilalim ng direksiyon, at isang 90 segundong edited video. Maaaring pumili ang mga bisita mula sa mahigit 20 script na kadalasan ay umiikot sa intriga sa palasyo, romansa, o pagtataksil.


Isa pang customer si Xie, isang 28-anyos na social media influencer na apelyido lamang ang ibinigay. Bumiyahe siya patungong Hengdian matapos mapanood sa social media ang mga video ng naturang shooting experience.


Nagbayad siya ng 498 yuan o katumbas ng 70 US dollars para sa isang solo session na nakabatay sa orihinal na script.


“Wala tayong prom sa China, kaya ngayon, nagsusuot na lamang ng mga costume ang mga tao kapag lumalabas (We don't have proms in China, so now people go out in costume instead),” ani Xie. “Mas bukas na ang lahat na magsuot ng mas mapangahas na kasuotan at ipakita ang kanilang sarili sa pinakamagandang paraan (Everyone is willing to dress up a bit more boldly and show themselves in the best way they can).”


bottom of page