‘Glee,’ magkakaroon ng reboot sa Disney+ at Hulu
Reuters / Danielle Broadway; Isinalin ng Sari Story Network
October 23, 2026 at 7:41:18 AM
Muling mapapanood ang sikat na musical comedy-drama television series na “Glee” sa pamamagitan ng reboot, ayon sa streaming platforms na Disney+ at Hulu nitong Miyerkules.
“Opisyal na, nagbabalik ang Glee (It's official, Glee is returning),” pahayag ng dalawang platform sa isang pinagsamang post sa Instagram. Gayunman, wala pa silang ibinigay na karagdagang detalye tungkol sa proyekto o kung kailan ito ipalalabas.
Muling bubuhayin sa reboot ang seryeng likha ni Ryan Murphy, na unang ipinalabas sa Fox noong 2009 at tumakbo nang anim na season hanggang 2015. Umiikot ang kuwento sa mga miyembro ng isang high school glee club sa Lima, Ohio, habang hinaharap nila ang mga hamon ng pagdadalaga at pagbibinata, pagkakaibigan at personal na buhay.
Kabilang sa mga bumida sa serye sina Lea Michele, Cory Monteith, Matthew Morrison, Jane Lynch at Darren Criss, na pinagsama ang mga batikang aktor at mga bagong talento sa industriya.
Naging bahagi ng pop culture ang “Glee” at nagwagi ito ng Golden Globe para sa best television series, comedy or musical noong 2010 at 2011.
Nakilala ang serye sa iba’t ibang pagtatanghal ng mga awitin, kabilang ang “Don't Stop Believin'” ng Journey, “Smooth Criminal” ni Michael Jackson at “Bohemian Rhapsody” ng Queen. Naging popular din dito ang mga mash-up, kung saan pinagsasama ang dalawa o higit pang kanta sa iisang pagtatanghal.
Naiugnay din ang serye sa pagkamatay ng tatlo nitong miyembro ng cast. Si Cory Monteith, na gumanap bilang Finn Hudson, ay namatay noong 2013. Si Mark Salling, na gumanap bilang Noah Puckerman, ay namatay noong 2018, habang si Naya Rivera, na gumanap bilang Santana Lopez, ay namatay noong 2020.

