top of page

‘Forgotten Island’ nagtakda ng bagong record sa opening day sa Pilipinas

Kimberly Asis / Sari Story News

September 30, 2026 at 10:31:00 AM

Larawan nina Dave Franco, H.E.R., Liza Soberano at Januel Mercado.

Ang mga artista sa boses ng “Forgotten Island” na sina Dave Franco at H.E.R., kasama ang direktor nitong si Januel Mercado.

INSTAGRAM / Forgotten Island Movie

“Malakas ang naging simula ng ‘Forgotten Island’ sa Pilipinas matapos itong kumita ng P97.24 milyon sa opening weekend nito at manguna sa takilya.


Ipinagdiwang ng Universal Pictures Philippines ang matagumpay na opening ng pelikula at inanunsyo, “FORGOTTEN ISLAND IS THE #1 MOVIE IN THE PHILIPPINES!


“Salamat sa pagpunta sa sinehan para ipakita sa buong mundo kung gaano natin kamahal ang kwentong atin. TAYO NA, PHILIPPINES!” dagdag ng distributor.


Ang “Forgotten Island” ang may pinakamalaking opening para sa isang DreamWorks Animation film sa Pilipinas. Ito rin ang pinakamalaking opening sa bansa para sa isang animated film na hindi bahagi ng isang franchise.


Malaking bahagi ng hatak ng “Forgotten Island” ang malakas nitong pagkakaugat sa kulturang Pilipino. Tampok sa pelikula ang mga elemento ng alamat, mitolohiya, at kultura ng Pilipinas, habang binubuo naman ang voice cast nito ng ilang kilalang Filipino at Filipino American na artista.


Umiikot ang kuwento sa magkababata at matalik na magkaibigang sina Raissa at Jo, na binibigyang-boses nina Liza Soberano at Filipino American singer na si H.E.R., ayon sa pagkakasunod. Kabilang din sa cast sina Lea Salonga, Manny Jacinto, Dolly de Leon, Amielynn Abellera, at Jo Koy.


Makikita rin ang kulturang Pilipino sa soundtrack ng pelikula, na tampok sina KATSEYE’s Sofia Laforteza, BINI, at SB19.


Maganda rin ang naging pagtanggap ng mga kritiko at manonood sa pelikula. Ayon sa pinakabagong tala sa Rotten Tomatoes, nakakuha ang “Forgotten Island” ng 95% Tomatometer score batay sa 100 critic reviews, habang nasa 96% naman ang verified audience score nito.


Sinusundan ng pelikula sina Raissa at Jo habang naghahanda silang magkahiwalay ng landas matapos ang high school. Ngunit nagbago ang kanilang mga plano nang matuklasan nila ang isang portal patungo sa Nakali, isang mahiwagang isla na tinitirhan ng mga nilalang na hango sa mga kuwentong ipinasa sa kanilang mga pamilya. Gayunman, may kapalit ang paghahanap nila ng daan pauwi: maaaring mawala ang mga alaala nila sa isa't isa habang-buhay kapag nakatakas sila sa Nakali.


Nagbukas ang “Forgotten Island” sa mga sinehan sa Pilipinas noong Sept. 23.

bottom of page