‘Filipiñana’ aktres na si Jorrybell Agoto, humihingi ng tulong sa gitna ng laban sa cancer
Kimberly Asis / Sari Story News
September 25, 2026 at 1:06:53 PM
Humihingi ng tulong pinansyal ang indie actress na si Jorrybell Agoto, bida sa award-winning short film na “Filipiñana,” habang patuloy siyang sumasailalim sa gamutan para sa cancer.
Kasalukuyang naka-admit si Agoto sa Critical Care Unit ng St. Luke’s Hospital habang sumasailalim sa gamutan para sa lymphoma, isang uri ng cancer na nakaaapekto sa lymphatic system.
Nagbahagi ng update tungkol sa kalagayan ni Agoto ang isang kaibigan nito sa isang Facebook post, kung saan humingi ito ng panalangin at pinansyal na suporta para sa patuloy niyang gamutan.
“Our beloved Jorrybell is currently admitted to the Critical Care Unit at St. Luke’s Hospital, bravely fighting through a difficult chapter in her battle against cancer,” ayon sa post.
Nakakaranas si Agoto ng fluid buildup sa pleural area ng kanyang mga baga, na nagdudulot ng hirap sa paghinga. May Blake drain din siyang nakakabit upang makatulong sa paglabas ng fluid at maibsan ang kanyang kondisyon. Humihingi ng tulong ang pamilya at mga kaibigan ni Agoto para sa kanyang mga gastusing medikal habang patuloy na tumataas ang gastos para sa kanyang gamutan, pananatili sa ospital, mga procedure, gamot, at iba pang pangangailangang medikal.
Maaari ring makatulong ang mga hindi kayang mag-donate sa pamamagitan ng pagbabahagi ng panawagan sa kanilang pamilya at mga kaibigan.
“Every donation, every share, and every prayer gives Jorrybell and our family hope and strength to keep going. Please help us give Jorrybell the chance to continue her fight.”
Kilala si Agoto sa kanyang mga proyekto sa independent cinema at teatro. Kabilang sa mga pelikula at Cinemalaya entries na kanyang kinabilangan ang “Tether,” “Primetime Mother,” “When This Is All Over,” at “Cross My Heart and Hope to Die.”
Nakilala rin si Agoto sa kanyang pagganap bilang teenage tee girl na si Isabel sa award-winning 2020 short film na “Filipiñana,” sa direksyon ni Rafael Manuel.
Muli niyang ginampanan ang karakter sa feature-length adaptation nito, kung saan ipinagpatuloy niya ang papel mula sa kinikilalang short film hanggang sa debut feature ni Manuel.
Kamakailan, napili ang “Filipiñana” bilang opisyal na entry ng Pilipinas para sa 99th Academy Awards, kung saan isinumite ito para sa Best International Feature Film category.

