‘Biyaheng Bente’ ni Yeng Constantino, sold out agad ang Day 3 at 4
Kimberly Asis / Sari Story News
October 1, 2026 at 12:04:42 PM
Wala pang isang oras, sold out na agad ang Day 3 ng “Biyaheng Bente” ni Yeng Constantino para sa November 17 sa Smart Araneta Coliseum. Dahil dito, nagdagdag ng ikaapat na show sa November 18, na sold out din sa loob lamang ng isang oras.
Dahil sa back-to-back sold-out shows, naging emosyonal ang OPM singer-songwriter habang nagpapasalamat sa mga fan sa kanilang buong suporta para sa kanyang 20th anniversary concert series.
Napaluha si Yeng habang ipinagdiriwang niya ang milestone kasama ang concert director na si John Prats at iba pang miyembro ng kanilang team.
“Iyakin na talaga! Paano naman kase grabe, sinold-out nyo in less than an hour ang Day 3 ng Biyaheng Bente sa Araneta! I feel so overwhelmingly blessed! Umaapaw po ang pasasalamat ko, ni Direk @johnprats at ng buong @cornerstone family namin sa inyo!” ibinahagi ni Yeng sa social media.
Inimbitahan din niya ang mga fan na hindi pa nakakasama sa “Biyaheng Bente” na dumalo sa bagong dagdag na show.
“Kaya naman may Day 4 po tayo!! Sa November 18 po ito sa @smartaranetacoliseum ulit! And today din po 5PM ang ticket selling sa @ticketnetph! Sa mga di pa nakakasama sa Biyahe tara na at sumama!” saad niya. “Masayang ride to at pangako gagalingan pa namin lalo para sainyo! Mabuhay ang Musikang Pilipino!!”
Ganoon din kalakas ang naging response ng fans sa dagdag na show, na sold out din ang tickets sa loob lamang ng isang oras. Ipinagdiwang naman ng Cornerstone ang back-to-back sold-out shows sa pamamagitan ng isang masayang post:
“PARAAAAAAAA!!!! SANDALEEE!!! FOR THE 4TH TIME?!?! DAY 3 SOLD OUT IN LESS THAN AN HOUR. DAY 4 SOLD OUT IN AN HOUR. NIYANIG NIYO ANG TICKETNET! AT INUGA NIYO KAMI! SOAFER SA OA SA BILIS MAG-SECURE NG TICKETS. HUMANDA SA PAG-ARANGKADA NG BIYAHENG BENTE SA ARANETA!!”
Malaki rin ang naging turnout sa mga naunang shows ni Yeng, kung saan dumalo ang maraming fans at longtime supporters na nakisabay sa pagkanta at nag-enjoy sa performances. Kabilang din sa mga dumalo ang celebrity friends at kasamahan niya sa industriya tulad nina Vice Ganda, Ryan Bang, at Heart Evangelista.
Dadalhin naman ni Yeng ang “Biyaheng Bente” sa United States para sa kanyang “Biyaheng Bente US Tour” matapos ang kanyang mga local shows. Magpe-perform siya sa Stafford, Texas, sa October 2, bago magtungo sa Beverly Hills, California, kung saan makakasama niya bilang special guest si Sam Milby.
Bago ang US tour, dadalhin din niya ang concert sa SMX Convention Center sa Davao sa November 7. Pagkatapos nito, babalik siya sa Smart Araneta Coliseum para sa kanyang shows sa November 17 at 18.

