Zelenskiy, inihalintulad ang pakikipagkaibigan ni Trump kay Putin sa pakikipagkaibigan kay Hitler
Sarah Young; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 27, 2026 at 1:36:14 PM
LONDON — Sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy na kakaiba ang pagtawag ni US President Donald Trump kay Russian President Vladimir Putin bilang “kaibigan (my friend)" at maihahalintulad ito sa pagsasabi ng gayon ding pahayag tungkol kay Adolf Hitler noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa isang panayam sa BBC, sinabi ni Zelenskiy na nasa kay Trump ang pagpapasya sa mga sinasabi o ipinopost nito, ngunit tinawag niyang “kakaiba (strange)" ang pagturing kay Putin bilang kaibigan.
“Siya ay isang mananalakay ... at isang mamamatay-tao. Hindi siya maaaring maging kaibigan (He's an aggressor ... and a killer. He can't be a friend),” pahayag niya sa wikang Ingles.
“Katulad ito ng pagsasabi ng isang tao noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na mabuting kaibigan si Hitler. Hindi, hindi siya kaibigan (It's the same that somebody say about Hitler during the Second World War that he's a good friend. No, he's not a friend)."
Nagbigay ng pahayag si Zelenskiy isang linggo matapos yakapin ni Trump si Putin bilang “kaibigan (friend)” sa isang summit sa China. Makalipas ang ilang araw, nag-post si Trump sa kanyang Truth Social platform ng larawan nilang nagkakamayan sa naturang pagtitipon, na nilagyan niya ng pamagat na “My Friend.”
Matagal nang hindi maganda ang ugnayan nina Trump at Zelenskiy. Isa sa mga pinakamatinding insidente ang hayagang pag-aaway nila noong Pebrero 2025, nang pagsabihan ng pangulo ng US si Zelenskiy sa Oval Office.
Kamakailan lamang, muling nagbanggaan ang dalawa matapos sisihin ni Trump ang mga pag-atake ng Ukraine sa mga refinery ng langis ng Russia sa pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagbantaan ang pagtigil sa pagbibigay ng intelligence support. Samantala, sinabi ni Zelenskiy na hinihikayat ng paninindigan ni Trump ang Russia na ipagpatuloy ang mga pag-atake nito sa Ukraine.
— Sarah Young; Editing by Conor Humphries/Reuters/VVP

