top of page

Walang batayan ang plunder case laban kay Rep. Leandro Legarda, ayon kay Atty. Tony La Viña

Sari Story

September 15, 2026 at 7:51:17 AM

Larawan ni Rep. Leandro Leviste

Screenshot ng larawan ni Rep. Leandro Leviste mula sa kanyang Facebook page.

Rep. Leandro Leviste / Facebook page

Walang batayan ang mga kasong plunder laban kay Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste dahil walang pondong inilabas ang gobyerno sa ilalim ng mga renewable energy service contract ng kanyang mga kumpanya, ayon sa kanyang legal counsel at spokesperson na si Atty. Tony La Viña nitong Lunes.

 

“Sa lahat ng kontrata ni Leandro, walang perang nilabas ang gobyerno. No way is it a monopoly. Pangalawa, cannot be plunder, no money was given to him by the government. Zero,” sinabi ni La Viña sa isang panayam, bilang kinatawan nina Leviste at ng kanyang ina na si Sen. Loren Legarda.

 

Ipinaliwanag ni La Viña na sa mga renewable energy service contract, ang mga pribadong investor—hindi ang gobyerno—ang sumasagot sa lahat ng panganib sa eksplorasyon at development.

 

“No money. Investor ito ang magbigay ng pera,” aniya, at binanggit na nasa 90 porsyento ng mga service contract sa buong bansa ang hindi umaabot sa commercial operation dahil sa mga problema sa grid connection at teknikal na feasibility.“Will you make money? Will you be able to connect to the grid? So very clear ’yan kay Leandro at sa lahat ng investors na this is a risk. And they are the ones that bear the risk,” dagdag niya.

 

Bagama’t kinilala ni La Viña na hindi natuloy ang ilan sa mga kontrata ni Leviste, iginiit niyang hindi krimen ang hindi pagkumpleto sa mga exploratory project. Kinumpirma niyang siningil ang mga kumpanya ni Leviste ng mahigit ₱90 milyon na non-fulfillment fees at lahat ng ito ay nabayaran na.

 

“Si Leandro may fees talagang na-charge sa kanyang mga companies... P90-plus million, bayad na po ’yun immediately,” ani La Viña.

 

Itinanggi rin niya ang alegasyong may utang si Leviste sa gobyerno na ₱10 bilyon hanggang ₱24 bilyon, at iginiit na wala ni si Leviste o anumang kumpanyang may majority ownership siya ang nakatanggap ng demand letter o billing statement para sa naturang halaga.

Ipinagtanggol ni La Viña ang track record ng mambabatas sa industriya, at itinuro ang mga matagumpay na proyekto kabilang ang tinawag niyang pinakamalaking renewable energy project sa ilalim ng administrasyong Marcos.

 

Kinuwestiyon din niya ang batayan ng imbestigasyon ng Ombudsman, at inilarawan ang mga reklamo bilang politically motivated retaliation na bunsod ng matapang na pagpuna ni Leviste sa korupsiyon sa gobyerno, mga kapwa mambabatas, at Department of Public Works and Highways (DPWH).

 

“Leandro talaga ang target nito... This all started when he started attacking fellow congressmen, the administration, DPWH,” aniya, at inilarawan ang kaso bilang isa na namang halimbawa ng “weaponization of the law” sa magkakasunod na administrasyong pampolitika.

 

Matapos ang isang buwang pagsusuri sa mga dokumento ng proyekto at konsultasyon sa mga eksperto sa energy sector, sinabi ni La Viña na wala siyang nakitang criminal liability laban kay Leviste o kay Sen. Legarda, na aniya ay nadawit lamang dahil sa kanyang relasyon sa kanyang anak.

 

“I-review ko lahat. Dinaanan ko lahat ng resibo. Madami akong kinausap na experts sa local energy. And I've come to the conclusion... zero ang crime dito. Walang krimen na na-commit,” ani La Viña. “Kay Senator Loren, walang kaso. Kasi nanay siya.”

bottom of page