top of page

Venezuela, ibinahagi na tatagal ng 25 taon ang energy deal nito sa U.S.

Sari Story

September 2, 2026 at 8:02:24 AM

Larawan ng Oil platforms at pumpjacks

Larawan ng oil platforms and pumpjacks sa Lake Maracaibo sa Cabimas, Venezuela

Kuha ni Leonardo Fernandez Viloria

CARACAS — Ibinahagi ni Venezuelan Interim President Delcy Rodriguez nitong Sabado na mananatili ang bisa ng energy agreement ng Venezuela at Estados Unidos sa loob ng 25 taon.


Target ng kasunduan na pataasin ang produksyon ng krudo ng Venezuela sa 1.5 milyong barrels kada araw (bpd), habang pinapanatili ang soberanya ng bansa sa sarili nitong likas na yaman.


Tinawag ni Rodriguez na “historic deal” ang kasunduan na aniya'y makatutulong sa pagpapasigla ng kanilang ekonomiya at pagpapataas ng kita ng pamahalaan.


“This 25-year bilateral project envisages the development of 17 strategic oilfields with a production target of more than 1.5 million barrels per day,” pahayag ni Rodriguez sa state broadcaster na VTV.


“That figure relates solely to the bilateral agreement between Venezuela and the United States,” dagdag niya.


Nilinaw ni Rodriguez na panimulang target lamang ang 1.5 milyong barrels kada araw.


Kasama rin aniya sa mas malawak nilang plano ang pagpapaunlad ng walong greenfield oil blocks, bilang bahagi ng pagpapaigting ng energy sector ng bansa.


Nitong Biyernes, inanunsyo ni U.S. President Donald Trump ang plano ng Estados Unidos na magkaroon ng bahagyang kontrol sa malalawak na oil reserves ng Venezuela.


Layon aniya nitong makatulong para muling buhayin ang matitinding naapektuhang energy industry ng South American nation, habang nagbibigay ng panibagong suplay ng krudo na maaaring makatulong sa pagpapababa ng presyo ng petrolyo sa Estados Unidos.


Kaunti lamang ang ibinigay na detalye ni Trump tungkol sa kasunduan. Sinabi lamang niyang nakakuha ang Estados Unidos ng majority control sa mahigit 65 bilyong barrels ng proven oil reserves ng Venezuela sa pamamagitan ng kasunduan sa private businesses.


Ang Venezuela ang may pinakamalaking proven oil reserves sa mundo.


Gayunman, nasa 1.25 milyong barrels kada araw lamang ang kasalukuyang produksyon nito—malayo sa potensiyal ng bansa—dahil sa maraming taon ng kakulangan sa pamumuhunan, maling pamamahala, at sanctions.


Ayon kay Rodriguez, maaaring makalikha ang kasunduan ng tinatayang 209 bilyong dolyar na kita para sa Venezuelan government, batay sa benchmark oil price na 65 dolyar kada barrel.


Gayunman, kinilala niyang maaaring magbago-bago ang presyo ng krudo.


Sinabi rin niya na humigit-kumulang 19 dolyar mula sa bawat barrel na malilikha at maibebenta sa ilalim ng kasunduan ay direktang mapupunta sa Venezuela, na inaasahang magbibigay ng malaking dagdag sa kita ng pamahalaan.


Binigyang diin ni Rodriguez na mananatili sa Venezuela ang pag-aari at soberanya sa mga likas nitong yaman.


Aniya, gagamitin lamang ng bansa ang kapital, teknolohiya at operational expertise mula sa kasunduan upang suportahan ang pagbawi ng isang estratehikong industriya na matinding naapektuhan ng sanctions.


Samantala, ilang pro-government groups ang nagtipon sa downtown Caracas nitong Sabado upang tutulan ang presensya ng Estados Unidos sa Venezuela.


Sa kabila nito, tinanggap ni Rodriguez ang kasunduan kasunod ng anunsyo ni Trump, at sinabing makatutulong ito sa paglago ng ekonomiya at pagpapataas ng kita ng pamahalaan.


Naghahanda naman ang mga opisyal ng Venezuela na lumagda sa mga kasunduan sa susunod na linggo na magbibigay ng bagong oil exploration at production rights sa ilang kumpanya, kabilang ang mga kumpanyang Amerikano.


Ayon sa dalawang sources na may impormasyon sa negosasyon, kabilang ang Chevron sa mga kumpanyang inaasahang makapagtatapos ng usapan para ilipat ang mga joint venture nito sa Venezuela sa bagong energy framework ng bansa.


bottom of page