top of page

US, Iran, muling nagpalitan ng pag-atake matapos ang panandaliang paghupa ng giyera

Sari Story

September 3, 2026 at 3:42:17 AM

Larawan ng iranian military site

Screengrab mula sa isang social media video noong Setyembre 1, 2026, na nagpapakita ng sitwasyon ilang sandali bago ang sinasabing pag-atake ng Estados Unidos sa isang Iranian military target.

Kuha ng U.S. Central Command/Reuters

Balik-digmaan na naman ang Estados Unidos at Iran nitong Miyerkules matapos ang pinakamalaking palitan ng pag-atake ng dalawang bansa sa loob ng ilang linggo.  Nagbanta pa ang Washington ng mas mapaminsalang mga hakbang, habang kinondena naman ng Iran ang isang pag-atake sa kanila na ikinamatay umano ng limang katao at ikinasugat ng dose-dosenang sibilyan sa isang kasalan.


Ayon sa Central Command ng military ng Amerika, tinamaan nito noong Martes ang mga air defense system, radar system, maritime assets, mine-laying capabilities, at communication sites ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC). Iniulat naman ng Iranian media na inatake ang ilang target malapit sa Strait of Hormuz—ang makitid na daluyan ng tubig kung saan nagbanta ang Tehran laban sa mga tanker na magtatangkang dumaan nang walang pahintulot.


Sinabi ng Iran na inatake nito ang mga asset ng Estados Unidos sa Jordan at Iraq, ayon sa mga opisyal na pahayag. Habang Iniulat naman ng Iranian media na inatake nito ang Bahrain. Bagama't sinabi ng IRGC na marami itong napatay na U.S. forces sa Jordan, sinabi ng dalawang opisyal ng Estados Unidos sa Reuters na walang nasawi, batay sa paunang pagsusuri.


Sinabi naman ng sandatahang lakas ng Jordan na nasubaybayan ng kanilang air defense systems ang 13 ballistic missiles na pumasok sa kanilang airspace. Sampu sa mga ito ang na-intercept habang tatlo ang bumagsak sa mga liblib na lugar. Ang Bahrain naman na-intercept at nawasak ang mga drone mula Iran.


Ayon din sa IRGC, nagsagawa ang kanilang  ground forces ng missile at drone attacks laban sa mga base ng Estados Unidos sa Erbil, hilagang Iraq, na ikinamatay umano ng ilang U.S. personnel. Hindi pa kinumpirma ng Iraq o Estados Unidos ang naturang pag-atake.


LABANANG NAKAPAGPAPAHINA SA MAGKABILANG PANIG

Tinapos ng sagupaan ang ilang buwang hindi pagkakasundo mula pa noong Hulyo, kung saan ang magkabilang panig ay higit na umiwas sa pag-atake ngunit hindi nagpakita ng kagustuhang makipag-usap. 

Dahil sa matinding pinsala sa ekonomiya ng Iran at paghina ng pwersang militar, lalo itong nahihirapan sa pagpapatuloy ng labanan. Samantala, malaking bahagi na rin ng pandaigdigang stockpile ng precision long-range missiles ng U.S. Army ang nagamit na, ayon sa ulat ng Reuters noong nakaraang buwan, na nagdulot ng pangamba sa kahandaan ng Estados Unidos para sa mga posibleng tunggalian.


Gayunman, ang muling pagsiklab ng tensyon ay sinundan ng matitinding pahayag mula sa magkabilang panig.


“I like our position now much better, with almost total control of the Hormuz Strait, and their economy totally collapsing,” sabi ni Trump.


“They are just playing out the inevitable. When are the Iranian people going to rise up and fight?,” dagdag niya.


Bumuwelta naman ang joint military command ng Iran na ang sinumang bansang tutulong sa agresibong hukbong Amerikano ay haharap sa mas mabigat, mas malawak, at mas mapaminsalang tugon. Ngayon pa lang, kailangan aniya nilang tanggapin ang mapanganib na mga kahihinatnan nito.


Habang nagbabanta ang Washington na paralisahin ang ekonomiya ng Iran sa pamamagitan ng sanctions, mayroon ding sariling suliraning pang-ekonomiya ang administrasyong Trump dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng labanan bago ang congressional elections sa Nobyembre.


Bumagsak ang mga Asian stocks nitong Miyerkules bunsod ng panibagong airstrikes ng Estados Unidos at naapektuhan ang presyo ng langis sa pinakamataas na antas sa loob ng nakalipas na limang linggo. Umakyat din sa pinakamataas na antas sa loob ng halos tatlong taon ang U.S. 10-year Treasury yield, na nagpalala sa pagbebenta ng bonds sa pandaigdigang merkado.


LIMANG NASAWI SA KASALAN

Sa isa sa maaaring maging pinakamalalang insidente ng pagkasawi ng mga sibilyan sa digmaan, limang katao ang nasawi at 50 ang nasugatan sa isang kasalan malapit sa Sirik, isang baybaying lugar sa Strait of Hormuz, ayon sa Iranian Red Crescent. 


Iniulat ng Mehr news agency na kabilang sa mga nasawi ang isang 4-anyos na bata, habang sinabi naman ng IRNA news agency, batay sa isang provincial official, na umabot sa 68 ang bilang ng mga nasugatan.


Hindi pa naglalabas ng pahayag ang mga opisyal ng Estados Unidos tungkol sa insidente.


“This cruelty cannot be separated from the chain of atrocities that preceded it,” sinabi ng tagapagsalita ng foreign ministry ng Iran sa isang pahayag.


Tinukoy nito ang iba pang insidente, kabilang ang pagsabog sa isang paaralan sa Minab na ikinasawi ng 160 katao sa isang girls' school noong unang araw ng digmaan.


Wala pang opisyal na datos ang Pentagon tungkol sa insidente sa Minab. Gayunman, maaaring nagmula umano ito sa paggamit ng Estados Unidos ng luma o outdated na targeting data, ayon sa dalawang source na may alam sa usapin na nakausap ng Reuters.


Samantala, pitong katao ang nasawi at walo ang nasugatan sa U.S. missile strikes sa tatlong lugar sa Khuzestan province ng Iran, ayon sa deputy governor ng lalawigan, ayon sa Iranian state media.

Sa pahayag ng foreign ministry, nangako ang Iran na tutugon sa mga karumal-dumal na krimeng ito nang may paninindigan.


“Those governments and international institutions that remain silent in the face of such barbarism, or seek to justify such acts, must understand that their silence is not neutrality,” pahayag ng Iran.


“Those who remain silent today will not be immune to its consequences tomorrow,” dagdag pa riyan.


bottom of page