top of page

UN: Kagutuman, inaasahang lalala nang husto sa 16 hotspot sa mundo

Clara Schoenthaler; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 27, 2026 at 1:36:14 PM

Larawan ni  Adar Hassan Abdulahi at ng  kanyang anak

FILE PHOTO: Pinapakain ng internally displaced na si Adar Hassan Abdulahi ang kanyang anak ng Plumpy’nut matapos itong mabakunahan sa Tawakal 2 camp sa Baidoa, timog-kanlurang Somalia, noong Hunyo 24, 2025.

Feisal Omar/Reuters

ROME — Inaasahang lubhang lalala ang kagutuman sa 16 na lugar sa iba’t ibang panig ng mundo sa susunod na anim na buwan, habang nanganganib ang ilang bahagi ng Africa na makaranas ng taggutom, babala ng dalawang ahensya ng United Nations (UN) nitong Biyernes.


Sinabi ng Food and Agriculture Organization (FAO) at World Food Programme (WFP) na nahaharap sa pinakamalubhang banta ang Sudan, South Sudan, Somalia, hilagang Nigeria at Yemen dahil sa mga sigalot, sapilitang paglikas, kahirapan sa ekonomiya at matinding lagay ng panahon.


Tumaas sa 16 mula sa 13 ang bilang ng mga lugar na nanganganib sa kagutuman, batay sa naunang ulat na inilabas noong Hunyo. Kabilang sa mga bagong idinagdag sa listahan ang Chad, Uganda at ilang bahagi ng timog Africa at Central America, habang inalis naman dito ang Lebanon.


Sa pinakabagong pinagsamang ulat na sumasaklaw sa Disyembre 2026 hanggang Mayo 2027, nagbabala ang mga ahensya na nakahahadlang sa mga pagsisikap na maiwasan ang isang malaking sakuna ang patuloy na pagbaba ng pondong nakalaan para sa humanitarian aid.


Ayon kay Conor Elliott, isang matataas na opisyal sa tanggapan ng FAO para sa mga emerhensiya at katatagan, bumagsak nang dalawang-katlo mula 2022 hanggang 2025 ang tulong para sa limang bansang nahaharap sa pinakamalubhang banta ng kagutuman.


"Napakalaki ng pagbabagong ito sa pandaigdigang suporta (These are huge changes in international support)," ani Elliott. Nagbabala rin siya na nakaaapekto ang mga pagbawas sa pondong inilaan sa pangangalap ng mga datos na kailangan upang masukat ang lawak ng krisis.


NAGBABANTANG EL NIÑO


Ayon sa ulat, ang mga armadong sigalot at karahasan ang nagtutulak sa kagutuman sa 12 sa 16 na lugar na nanganganib dito. Lalo ring pinahihirap ang kakayahan ng mga tao na matustusan ang kanilang pangangailangan sa pagkain dahil sa matinding pagtaas ng presyo ng pagkain, enerhiya at transportasyon.


Sinabi ng mga ahensya na maaaring magpalala sa krisis ang namumuong weather pattern na El Niño, na maaaring magdulot ng tagtuyot at matinding init sa timog Africa at ilang bahagi ng Central America, gayundin ng posibleng mapaminsalang pagbaha sa ilang bahagi ng silangang Africa.


"Magkakaroon ng napakalakas na epekto ang El Niño (There's going to be a very, very strong El Niño effect)," ani Elliott. Nagbabala siya na posibleng makaranas ng matinding paglipat mula sa tagtuyot tungo sa malalakas na pag-ulan ang ilang lugar sa mga susunod na buwan.


Sa Sudan, nanganganib ang 13 lugar sa North Darfur at South Kordofan na makaranas ng taggutom hanggang Enero 2027, habang nakaaapekto ang labanan sa produksyon ng pagkain, mga pamilihan at paghahatid ng tulong.


Natukoy din ng mga ahensya ang panganib ng taggutom sa mga lumikas na mamamayan sa rehiyon ng Baidoa sa Somalia at sa ilang bahagi ng South Sudan, kung saan lalo pang pinalala ng tumitinding karahasan ang dati nang malubhang kalagayang humanitarian.


Itinuring din ang Afghanistan, Haiti, Democratic Republic of Congo at Palestinian enclave na Gaza bilang mga lugar na lubhang nangangailangan ng atensyon.


Ibinaba ang antas ng pangamba sa Gaza mula sa pinakamataas na kategorya kasunod ng pagbuti ng seguridad sa pagkain matapos ang tigil-putukan noong Oktubre 2025. Gayunman, nagbabala ang mga ahensya na nananatiling malubha at marupok ang sitwasyon doon.


bottom of page