Trump, iginiit na namimili pa siya kung makikipagkasundo o ‘lilipulin’ ang Iran
Sari Story
September 24, 2026 at 3:16:45 AM
Nakikilahok si US President Donald Trump sa isang multilateral meeting kasama ang mga lider ng Gulf Cooperation Council, na kinabibilangan ng United Arab Emirates (UAE), Qatar, Bahrain, Kuwait, at Oman, sa ika-81 United Nations General Assembly (UNGA) sa New York City, US, nitong Setyembre 22, 2026.
Kylie Cooper / Reuters
UNITED NATIONS — Nagbabala si US President Donald Trump nitong Martes na maaari niyang lupigin at tuluyang wasakin ang Iran kung walang magiging kasunduan para wakasan ang giyera, pero kasabay nito, nagpahiwatig din siyang maaaring magkaroon ng kasunduan sa lalong madaling panahon habang isinasagawa ang diplomatikong mga hakbang sa United Nations.
“May malaking desisyon akong kailangang gawin (I have a big decision to make),” sabi ni Trump sa kanyang talumpati sa UN General Assembly sa New York.
“Magkakaroon ba ng kasunduan sa Iran na magbibigay-daan sa kanilang muling pagbangon at paglikha ng isang bansang mas maunlad kaysa dati? O lilipulin ko ang Islamic Republic at gagawin ko ito nang mabilis, nang hindi sila binibigyan ng pagkakataong muli pang pumatay at manira ng mga tao at bansa? (Will a deal be made with Iran that lets them rebuild and create a far greater country than it ever was before? Or do I annihilate the Islamic Republic and do it quickly, never giving them a chance to kill and destroy people and countries again?),” dagdag niya.
Sa isang pahayag nitong Martes, itinuring ng Armed Forces ng Iran na propaganda ang mga pahayag ni Trump sa UN. Sinabi rin nilang ang kanilang tugon ay lubos na kahandaan na maglunsad ng mas matindi, mapanira, at hindi inaasahang mga pag-atake laban sa mga aggressor.
Gayunman, sa kabila ng matitinding pahayag, nagpapatuloy ang mga pag-uusap para wakasan ang halos pitong buwang labanan na nagsimula sa magkasanib na pag-atake ng US at Israel. Libo-libong tao na ang nasawi, tumaas ang presyo ng langis, at nadamay ang mga kalapit na bansa.
Sinabi ni US envoy Steve Witkoff sa isang post sa X na nagsagawa ng mahahabang pag-uusap ang Estados Unidos at Iran nitong Martes sa sidelines ng UN General Assembly sa pamamagitan ng mga mediator na nagpabalik-balik sa pagitan ng dalawang panig sa buong araw.
Ayon kay Witkoff, magpapatuloy ang gawain ng mga mediator at umaasa siyang ang mga pag-uusap noong Martes ay magiging konstruktibo at hatid ay pag-asa.
Nakipagpulong din si Trump sa mga lider ng mga bansa sa Middle East na nais maibalik ang ligtas na pagbiyahe ng mga barko sa Strait of Hormuz. Dumaraan sa kipot na ito ang humigit-kumulang isang-lima ng pandaigdigang shipments ng langis at gas bago sumiklab ang giyera. Gayunman, nag-iingat ang mga bansang ito na huwag bigyan ng labis na kapangyarihan ang matagal na nilang karibal na Iran.
Marami rin sa mga bansang ito ang nagho-host ng malalaking base militar ng US na paulit-ulit na inatake ng Iran habang nagpapatuloy ang giyera.
“Sa tingin namin, maaaring matapos ang sitwasyon sa Iran pagkatapos mismo ng midterm elections sa Nobyembre 3, o maaaring mas maaga pa. Hindi ko alam. Hindi mo kailanman malalaman (We think that the situation with Iran could end right after the [November 3] midterm elections, maybe before. I don't know. You never know),” giit ni Trump.
Ang mga nasabing diplomatikong hakbang ay isinasagawa habang nahaharap si Trump sa pressure sa ilang aspeto — kabilang ang tumataas na presyo ng enerhiya sa US, lumalawak na regional conflict, at midterm elections na nakatakda sa loob ng anim na linggo. Ang magiging resulta ng mga pag-uusap — kung magkakaroon man ng kasunduan o lalo pang lalala ang giyera — ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang oil markets, seguridad sa Gulf at milyun-milyong Iranian.
Nakipagpulong si Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi kay Qatar Prime Minister Sheikh Mohammed bin Abdulrahman Al Thani. Ilang buwan nang nagsisikap ang Qatar na mapababa ang tensyon sa naturang labanan, base sa ulat ng Qatari state news agency.
Ayon sa isang mataas na opisyal ng Iran, maaaring muling buksan ng Tehran ang Strait of Hormuz sa loob ng ilang araw kung babawasan ng US ang military pressure at aalisin ang mga harang nito sa mga daungan ng Iran.
Sinabi ng opisyal sa Reuters na ipinaabot na ng Tehran sa Washington, sa pamamagitan ng mga mediator noong nakaraang linggo, ang pinakahuling panukala nito. Maaari umanong buksan muli ang kipot para sa mga barkong patungo sa Gulf sa loob ng pitong araw kung matutupad ang mga hinihingi ng Iran.
Samantala, iginiit ni Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf, na nanguna sa negotiating team ng Iran sa mga nakaraang pag-uusap, ang matigas na posisyon ng bansa.
“Dapat maunawaan ni Trump na hindi niya maaaring ipilit ang kanyang kapangyarihan sa mamamayang Iranian at sa kanilang sandatahang lakas (Trump must understand that he cannot impose his power on the Iranian people and its armed forces),” pagdidiin niya.
PAGLALA NG REGIONAL CONFLICT
Kabilang sa pinag-uusapan sa pagpupulong ng mga Gulf states at ni Trump ang panukala ng Qatar para sa isang common security framework na magsasama sa Iran at mga Arab Gulf states. Ayon sa mga source sa rehiyon, pinag-aaralan ng Iran ang panukala.
Sinabi ni Al Thani na kailangang magbigay ang naturang kasunduan ng security guarantees para sa mga Gulf states at palawakin ang economic interdependence sa pagitan ng mga ito at Iran.
Mas lalo umanong nasangkot sa giyera ngayong buwan ang Saudi Arabia, pinakamalaki sa mga Gulf states, matapos umabante sa Yemen ang mga Houthi fighters na kaalyado ng Iran. Natalo ng mga ito ang mga puwersa ng gobyernong suportado ng Saudi Arabia at nagbanta sa oil exports ng Saudi Arabia sa pamamagitan ng Red Sea.
Dalawang buwan na binomba ng US ang mga Houthi noong nakaraang taon, ngunit hanggang ngayon ay hindi nito pinagbigyan ang paulit-ulit na panawagan ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman na muling makilahok sa labanan. Iniulat ng New York Times na huling-minutong kinansela ni Trump noong Linggo ang mga planong pag-atake ng US laban sa mga Houthi.
Nang tanungin kung bakit hindi naglunsad ng pag-atake ang Washington laban sa mga Houthi, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na palaging susuportahan ng Estados Unidos ang Saudi Arabia.
“Gayunman, iyon ay isang napakadelikado at komplikadong labanan na matagal nang umiiral... May kasaysayan din tayo sa mga Houthi, at ayaw rin nating maapektuhan iyon (That said, that is a very dangerous and complex conflict that pre-exists ... We have a history with the Houthis as well, and that's something we don't want to see impacted either),” ani Rubio.
Samantala, nakaranas ng bahagyang ginhawa ang oil markets nitong Martes matapos sabihin ng mga source sa Reuters na muling sinimulan ng Saudi Arabia ang operasyon ng East-West Pipeline at maaari nitong ipagpatuloy sa loob ng ilang oras ang exports mula sa Red Sea port ng Yanbu, bagama’t mas mababa ang volume.
Ang pipeline ang pangunahing export route ng Saudi Arabia na ginagamit upang maiwasan ang mga pagkaantala dulot ng giyera sa Strait of Hormuz. Isinara ito matapos ang mga pag-atake ngayong buwan na iniugnay ng Riyadh sa mga grupong suportado umano ng Iran sa Iraq.

