top of page

Soberanya ng Greenland, ligtas sa kasunduan sa administrasyong Trump, ayon sa Denmark

Sari Story

September 21, 2026 at 8:47:03 AM

Larawan ng mga bahay sa harap ng bundok

FILE PHOTO: Makikita ang mga bahay sa harap ng bundok ng Sermitsiaq sa Nuuk, Greenland, noong Setyembre 19, 2026.

Tim Barsoe / Reuters

COPENHAGEN — Sinabi ng Denmark nitong Sabado na hindi malalagay sa alanganin ang soberanya nito sa Greenland sa ilalim ng kasunduang binubuo kasama ang administrasyon ni US President Donald Trump, na magbibigay-daan sa malaking pagpapalawak ng presensya ng militar ng Estados Unidos sa Arctic island.


Sinabi ng Estados Unidos, Denmark at Greenland nitong Biyernes na nagkasundo sila sa pagpapalawak ng military footprint ng US sa self-governed na teritoryong sakop ng Denmark, habang hahadlangan ang mga kalaban ng US na magtatayo ng mga base roon.

Hindi pa inilalabas ang mahahalagang detalye ng kasunduan, kabilang ang lawak ng planong pagpapalawak ng presensya ng militar at kung magkakaroon ang Washington ng pormal na awtoridad sa foreign policy at likas na yaman ng Greenland.


Umaasa ang Denmark at Greenland na ang kasunduan, na inaasahang lalagdaan sa susunod na linggo sa United Nations General Assembly, ay magtatapos sa ilang buwang kawalan ng katiyakan na nagsimula matapos banta ni Trump na aagawin ng Estados Unidos ang kontrol sa teritoryo.


Sinabi ni Trump sa Truth Social nitong Biyernes na sa ilalim ng kasunduan: “Magkakaroon ang Estados Unidos MAGPAKAILANMAN ng ganap na kakayahang gawin ang anumang kinakailangan sa Greenland upang matiyak at maprotektahan ang seguridad ng Greenland at ng Estados Unidos ng Amerika (The United States will FOREVER have the complete ability to do what is necessary in Greenland in order to secure and defend the security of Greenland, and the United States of America).”


Sinikap ng mga lider ng Denmark at Greenland na tiyakin sa kanilang mga mamamayan na igagalang ng kasunduan ang karapatan ng Greenland sa self-determination at ang soberanya ng Danish kingdom.

“Umaasa tayo na ang panahon ng kawalan ng katiyakan ay mapapalitan ng isang umiiral at legal na kasunduan na magpapalakas sa seguridad sa Arctic at North Atlantic, at sa ating magkatuwang na seguridad sa loob ng NATO at Europe—habang iginagalang ang mga red line ng (Danish) Kingdom (A time of uncertainty will hopefully give way to a binding agreement that strengthens security in the Arctic and the North Atlantic, and thereby our shared security within NATO and Europe - while respecting the (Danish) Kingdom's red lines),” sabi ni Danish Foreign Minister Lars Lokke Rasmussen.


Sinabi naman ni Greenland Prime Minister Jens-Frederik Nielsen na ang iminungkahing kasunduan ay kumikilala sa soberanya at territorial integrity ng kanilang kaharian at ang karapatan ng mga taga-Greenland sa self-determination.


PANANAW NI TRUMP SA KASUNDUAN PARA SA GREENLAND


Ayon kay Trump, ang kasunduan ay nagbibigay sa Estados Unidos ng permanenteng kontrol sa seguridad, at sa lahat ng iba pang pangangailangan sa Greenland. Bukod dito, hindi kailanman papayagan ang anumang kalaban na magkaroon ng base o military presence sa Greenland, o magsagawa ng sensitibong pamumuhunan doon, nang walang hayagang nakasulat na pag-apruba mula sa Washington.

Ginawa ni Trump ang pahayag matapos unang iulat ng Reuters na papalapit na sa isang kasunduan ang Estados Unidos at Denmark.


“Malamang na hindi ito ang katapusan ng mga ambisyon ni President Trump para sa Greenland at tiyak na hindi rin ito ang katapusan ng strategic interest ng US sa teritoryo at sa mga likas na yaman nito (This is probably not the end of President Trump's ambitions for Greenland and certainly not the end of US strategic interest in the territory and its resources),” sabi ni Mikkel Vedby Rasmussen, political science professor sa University of Copenhagen.


Kung magbibigay ang Copenhagen ng anumang pormal na awtoridad sa Washington, maaari umano nitong buksan ang tanong sa Greenland kung ito na ba ang simula ng pagpapalit sa colonial relationship sa Denmark tungo sa isang colonial relationship sa United States.


Ang mga banta ni Trump, na umabot sa pinakamataas na punto noong Enero, ay nagdulot ng diplomatic crisis na nagpahirap sa relasyon sa loob ng NATO at nagtulak sa Denmark at Greenland na makipagnegosasyon upang mapahupa ang sitwasyon.


Sinabi naman ng isang tagapagsalita ng NATO nitong Sabado na malugod na tinatanggap ng alyansa ang kasunduan, na aniya ay makakatulong sa pagsusulong ng seguridad, katatagan at kooperasyon sa mahalagang rehiyong ito.


Gayunman, nananatiling may pag-aalinlangan ang ilang residente sa Nuuk, kabisera ng Greenland, tungkol sa mas malapit na ugnayan sa Washington.


“Dapat manatiling napakalayo ni Trump sa Greenland. Hindi niya dapat asahan na ang ating mga anak at apo ay magiging mga Amerikano balang araw (Trump should stay far, far, far away from Greenland. He should not expect our children and grandchildren to become Americans in the future),” ayon kay Marianne Hansen, 71-anyos na retiradong chef, sa Reuters sa Nuuk.


bottom of page