top of page

Senador Imee Marcos at Robin Padilla, nais wakasan ang kooperasyon ng Pilipinas sa ICC

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 27, 2026 at 1:36:14 PM

Larawan ni Llore Pasco

Hawak ni Llore Pasco ang isang banner sa isang send-off bago bumiyahe patungong The Hague, Netherlands, upang dumalo sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP) sa Quezon City, Pilipinas, Nobyembre 26, 2026.

Noel Celis/Reuters

Iminungkahi nina Senador Imee Marcos at Robinhood Padilla na wakasan ng ehekutibong sangay ng pamahalaan ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at gamitin ang lahat ng legal at diplomatikong hakbang upang matiyak ang paglaya at pagbabalik sa bansa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 797 na inihain noong Nobyembre 25, hinimok din ng dalawang mambabatas ang pamahalaan na itigil ang nagpapatuloy na mga hakbang upang hanapin, arestuhin at isuko si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pandaigdigang hukuman.


Iginiit nina Marcos at Padilla na nagtapos ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa ICC matapos umatras ang bansa sa Rome Statute noong 2019. Kinuwestiyon nila ang patuloy na pagsunod ng administrasyon sa mga kahilingan ng hukuman, sa kabila ng mga naunang pahayag ng mga awtoridad na walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa, gayong inaresto at inilipat si Duterte sa The Hague, Netherlands.


Bilang suporta sa kanilang posisyon, binanggit ng mga senador ang magkasanib na deklarasyon ng mga pinuno ng estado para sa kapayapaan na inilabas nina United States President Donald Trump, Russian President Vladimir Putin, at Chinese President Xi Jinping. Ayon sa resolusyon, tahasang kinikilala sa deklarasyon na napakahalaga ng mga prinsipyo ng pahintulot ng estado at paggalang sa immunity ng mga opisyal ng estado, at hindi dapat abusuhin ng ICC at mga katulad na institusyon ang kanilang hurisdiksyon (expressly [recognizes] that the principles of state consent and respect for the immunities of state officials are of paramount importance and [declares] that the ICC and similar bodies must not abuse their jurisdiction)."


"Sa pagpapatupad ng malayang patakarang panlabas, kailangang maingat na isaalang-alang ng Pilipinas ang mahahalagang pagbabago sa ugnayang pandaigdig, lalo na kung direktang nakaaapekto sa soberanya, pambansang interes at mga karapatan ng mga Pilipino ang mga paninindigang ipinapahayag ng mahahalagang katuwang ng bansa sa daigdig (In the exercise of its independent foreign policy, the Philippines must carefully consider significant developments in international relations, particularly when the positions articulated by major international partners bear directly upon matters affecting Philippine sovereignty, national interest, and the rights of Filipino citizens),"  pahayag nina Marcos at Padilla.


Iginiit ng mga senador na dapat muling suriin ang pakikilahok ng pamahalaan sa mga paglilitis ng ICC laban kina Duterte at Dela Rosa, alinsunod sa pag-atras ng bansa sa Rome Statute at sa pangako nitong pairalin ang malayang patakarang panlabas.


"Ang paghahangad ng katarungan at pananagutan ay dapat manatiling naaayon sa Konstitusyon, sa pangangalaga sa mga pangunahing karapatan, at sa soberanong karapatan ng Pilipinas na magpatupad ng katarungan sa pamamagitan ng sarili nitong mga institusyon, nang hindi isinasantabi ang pananagutan sa mga krimeng may parusa sa ilalim ng batas ng Pilipinas (The pursuit of justice and accountability must remain consistent with the Constitution, the protection of fundamental rights, and the sovereign right of the Philippines to administer justice through its own institutions, without foreclosing accountability for crimes punishable under Philippine law),"  dagdag nila.


 -Paraluman News


bottom of page