top of page

Senador, humiling sa mga economic managers na suportahan na ang living wage para sa pagtatakda ng karampatang sahod

Sari Story

September 1, 2026 at 3:49:53 PM

Larawan ni Senador Joel Villanueva

Kuhang-larawan ni Senador Joel Villanueva

Senate Social Media

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa mga economic managers ng pamahalaan na suportahan ang living wage na magiging batayan ng pagtatakda ng minimum wage.

Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna pagdinig para sa 2027 national budget bunsod na rin ng patuloy na pagkabinbin sa pagpapatupad ang dagdag-sahod para sa arawang sweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila dahil sa temporary restraining order (TRO) ng korte.

Kiwenstyon ni Villanueva sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang pagpigil ng isang regional trial court sa dagdag na sahod sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27 gayong malinaw na nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring maglabas ang korte ng injunction o TRO laban sa naging desisyon ng regional wage boards.

Giit ng mambabatas, ang tagal niyang naging Chairman ng Senate Committee on Labor pero ngayon lang siya nakakita na verbatim na sinuway ngn korte ang eksaktong nakalagay sa Labor Code.

"Ang tagal ko na pong naging chair ng Senate Committee on Labor, pero ngayon ko lang nakita na verbatim na sinuway ng korte iyong eksaktong nakalagay sa ating Labor Code", pahayag ng senador.

Hiniling din ni Villanueva sa Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) na tugunan ang lumalaking agwat sa sahod sa pagitan ng National Capital Region (NCR) at mga karatig-lalawigan.

Tinukoy ni Villanueva ang mga manggagawa sa Bulacan na mas pinipiling lumuwas sa Maynila kaysa magtrabaho sa kanilang lalawigan dahil sa laki ng diperensya sa sahod.

"Kaysa magtrabaho dito, tatawid ka na lang ng kalye papuntang NCR.

Importante na magkaisa po tayo sa direksyon ng pag-uusap tungkol sa living wage, dahil nakasaad ito sa ating Saligang Batas", ani Villanueva.

Gayunman, ikinatwiran ni DepDev Secretary Arsenio Balisacan sa pagdinig ng budget na hindi angkop ang iisang minimum wage sa buong bansa dahil sa magkakaibang kondisyon ng mga rehiyon kung saan kailangang balansehin ang sweldo, kalidad ng trabaho at pagpasok ng mga investments.

bottom of page