top of page

Senador Escudero, isinusulong ang mas malawak na depinisyon ng indigency

Sari Story

September 10, 2026 at 1:24:02 AM

Larawan ni Senador Chiz Escudero

Kuha ni Senator Chiz Escudero sa Senado

Joseph Vidal / Senate Social Media Unit

MANILA — Isinusulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na palawakin ang depinisyon ng indigency o pagiging kapos sa buhay sa Pilipinas, dahil aniya, hindi nasasaklaw ng kasalukuyang mahihigpit na pamantayan ang milyon-milyong Pilipinong nahihirapang harapin ang mga hindi inaasahang gastusing pinansyal. 


Sa kanyang podcast na “Chiz Wiz! Usapang May Laman” nitong weekend, sinabi ni Escudero na kadalasang mahigpit na iniuugnay ang government aid sa pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Aniya, hindi nasasaklaw ng ganitong sistema ang mga pamilyang kumikita nang higit sa itinakdang poverty threshold ngunit nalulugi o nauubusan ng kakayahang pinansyal dahil sa malalaking gastusing medikal o legal.


Binigyang-diin ni Escudero na nagiging hadlang sa pagkuha ng ayuda ang kawalan ng iisang depinisyon ng indigency sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, nagbibigay ang mga barangay ng indigency certificate alinsunod sa Local Government Code, habang ginagamit naman ng Public Attorney’s Office (PAO) ang income metrics ng Philippine Statistics Authority (PSA) at may sariling targeting system ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).


“Samakatuwid, dapat ding tukuyin ang indigency batay sa sitwasyon, at hindi lamang sa kita,” ani Escudero.

(“Indigency, therefore, should also be defined by circumstance, and not just income.”) 


Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng mga situational classification gaya ng “cancer-indigent” o “litigation-indigent.” Sa ilalim ng panukalang ito, maaari pa ring maging kwalipikado sa tulong ng gobyerno ang mga middle-income earner gaya ng mga guro kung lalampas sa kanilang kakayahang pinansyal ang pambihirang gastusin.


“Ano ba talaga ibig sabihin ng indigency? Ibig sabihin ba, 4Ps ka? Ang problema kasi sa batas natin, iisa lang ang ibig sabihin ng indigency. Pero para sa akin, iba-iba ang level ng indigency,” ani Escudero.

(“What does indigency really mean? Does it automatically mean you’re a 4Ps beneficiary? The problem with our laws is that they treat indigency as a single definition. But for me, there are different levels of indigency.”)


Binanggit niya bilang halimbawa ang mataas na gastusin sa mga legal na usapin gaya ng annulment proceedings.


“Hindi naman ganoon kadaling pulutin ang ₱200,000 hanggang ₱500,000 na panggastos diyan, 'di ba? Kaya litigation-indigent siya. Kapag may nagkasakit sa pamilya mo, tulad ng cancer, cancer-indigent ang pamilya mo,” dagdag niya.

(“It’s not easy to pick up ₱200,000 to ₱500,000 out of nowhere, right? So that person is litigation-indigent. If a family member contracts a serious illness like cancer, that family becomes cancer-indigent.”)


Nanawagan ang Senador  ng pagsusuri sa kasalukuyang one-size-fits-all na pamamaraan upang mas maprotektahan ang mga pamilyang nakararanas ng biglaang problema sa pananalapi.


Sinuportahan naman ni litigation lawyer Maggie Garduque, na panauhin sa podcast, ang panukala ni Escudero. Ayon kay Garduque, maaaring bigyang-katwiran sa ilalim ng equal protection clause ng Konstitusyon ang pagkakaroon ng magkakaibang antas o situational classifications ng indigency.


bottom of page