top of page

Senado, pinagtibay na ang ratipikasyon ng ASEAN extradition treaty

Sari Story

September 15, 2026 at 7:51:17 AM

Larawan ni Senate President Sherwin Gatchalian

(Kuha mula sa sesyon ng Senado | Courtesy: Senate of the Philippines)

Senate of the Philippines

MAYNILA – Pormal nang inaprubahan ng Senado nitong Lunes ang ratipikasyon ng ASEAN Treaty on Extradition, kasabay ng pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng apat na panukalang batas na may kaugnayan sa nutrisyon ng mga bata, kaligtasan ng mga turista, pabahay, at termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).


Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 623, magkakaroon ang Pilipinas ng iisang balangkas para sa extradition o pagpapauwi sa mga taong may kaso sa ibang bansa kasama ang iba pang miyembrong bansa ng ASEAN. Saklaw din nito ang mga bansang wala pang bilateral extradition treaty ang Pilipinas. Nilagdaan ang kasunduan sa Maynila noong Nobyembre 14, 2025 at niratipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Abril 13.


Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, chairman ng Committee on Foreign Relations, magiging mas mahirap para sa mga wanted person na gamitin ang mga border ng mga bansang ASEAN upang takasan ang prosekusyon.


“Saan man sila pumunta sa ASEAN, may mga matang nakatutok sa kanila, at walang pugante na makapagtatago nang ligtas saanman sa rehiyon (Everywhere they go in the ASEAN, there will be eyes on them, and no fugitive will find safe harbor anywhere in the region),” sabi ni Sen. Zubiri.


May mga itinakdang mandatory at discretionary grounds ang treaty para sa pagtanggi sa extradition, gayundin ang mga proteksiyong nagtitiyak sa due process.


Magkakabisa ang treaty sa mga kalahok na bansa 30 araw matapos magbigay ng kanilang mga instrumento ng ratipikasyon, pagtanggap o pag-apruba ang hindi bababa sa anim na lumagda sa kasunduan.


Apat na panukalang batas, lusot sa Senado


Inaprubahan din ng Senado ang Senate Bill No. 2387, na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK. Itinakda rin nito ang susunod na halalan sa barangay at SK sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at bawat limang taon pagkatapos nito.


Sa ilalim ng panukala, hanggang dalawang magkasunod na termino lamang maaaring magsilbi ang mga opisyal ng barangay sa parehong posisyon, habang isang termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng mga opisyal ng SK.


Sa pagpapaliwanag sa kanyang boto pabor sa panukala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na iba ito sa paulit-ulit na ad hoc postponement o pansamantalang pagpapaliban ng halalan sa barangay.


 “Ang panukalang ito ay hindi tugon sa mga pansamantalang kondisyon o pangyayari (This proposal is not a response to temporal conditions or events),” giit ni Gatchalian.


Ayon kay Gatchalian, ang pagbabago sa halalan noong 2026 ay bahagi ng paglipat sa isang nakapirming limang taong election cycle.

Inaprubahan din ng Senado ang Senate Bill No. 2272 o ang panukalang Expanded National Nutrition Program Act, na naglalayong gawing mas malawak ang nutrition system ng kasalukuyang feeding program gobyerno, na sasaklaw sa mga intervention mula sa pagbubuntis at unang 1,000 araw ng buhay hanggang sa mga taon ng pag-aaral.


Itinuturing din sa panukala ang stunting o pagkabansot sa paglaki bilang isang mahalagang usapin sa kalusugan at edukasyon ng bansa.


“Bago mangarap ang isang bata, bago siya matuto, at bago siya magtagumpay, kailangan muna siyang mapakain at mapangalagaan sa pamamagitan ng sapat na nutrisyon (Before a child can dream, before a child can learn, and before a child can succeed, the child must first be fed and nourished),” sabi ni Sen. Joel Villanueva.


Samantala, inaprubahan din ng Senado ang Senate Bill No. 1926 o Sandy’s Act. Sa ilalim nito, kakailanganin ng mga tourism establishment at tourist destination na magkaroon ng emergency at risk mitigation plans at tiyaking may access sa medical response, mga trained first-aid personnel at lifeguard kung kinakailangan. Saklaw ng mga safety measure ang parehong accredited at non-accredited tourism establishments.

Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na naging inspirasyon sa panukala si Sandy Garovillas, isang batang namatay matapos magkaroon ng allergic reaction dahil sa kagat o tusok ng jellyfish habang nagbabakasyon sa Palawan.


 “Kasama ninyo ang Senado ng Pilipinas upang matiyak na ang kanyang alaala ay magsilbing pangmatagalan at buhay na panangga para sa iba (The Philippine Senate stands with you to ensure her memory becomes a lasting, living shield for others),” sabi ni Hontiveros sa pamilya ni Sandy na naroon din sa session hall.


Ang ikaapat na panukalang inaprubahan ng Senado ay Senate Bill No. 2421 o ang panukalang Adequate and Decent Housing Through Usufruct Act.


Sa ilalim nito, maaaring gamitin ng mga kwalipikadong maralita at homeless Filipino ang mga lupain at pabahay ng gobyerno nang hindi inililipat sa kanila ang pagmamay-ari ng mga ito. Mananatili sa National Housing Authority, mga lokal na pamahalaan at iba pang implementing agencies ang pagmamay-ari ng mga ari-arian. Bibigyan naman ang mga benepisyaryo ng karapatang tirhan at gamitin ang mga ito bilang kanilang tahanan.


bottom of page