Senado inaprubahan ang P7.232-B panukalang budget ng Ombudsman para sa 2027
Sari Story
September 4, 2026 at 9:27:49 AM
Inaprubahan ng Senate Committee on Finance ang panukalang P7.232 bilyong budget ng Office of the Ombudsman para sa 2027, na nagbigay-daan upang umusad ang panukalang pondo ng ahensya sa plenary deliberations.
Pinamumunuan ni Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang komite, na nagsabing nakahanda ang mga mambabatas na suportahan ang mga hakbang na magpapalakas sa kakayahan ng Ombudsman na mag-imbestiga at magsampa ng kaso laban sa mga sangkot sa korapsyon.
Una nang humiling ang Ombudsman ng P12.797 bilyon mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Isa sa mga inisyatibang nais suportahan ng komite ang panukalang Ombudsman Marshal Service, na may karagdagang kahilingan na P168 milyon.
Lilikha ang serbisyo ng 100 posisyon na nakatalaga sa pagsisilbi ng cyber warrant, pag-secure ng ebidensya, pagpapatupad ng mga kautusan, at pagbibigay-proteksiyon sa mga imbestigador ng Ombudsman.
“I think the establishment of the Ombudsman Marshal Service will be very important to the performance of their duties. Mas dedicated at mas vetted ang mga personnel na directly assigned sa Ombudsman kaysa i-asa sa ibang law enforcement agency,” sinabi ni Ejercito said nitong Huwebes, September 3.
Mga kaso sa flood control
Binigyan din ng Ombudsman ng briefing ang komite hinggil sa mga isinasagawa nitong imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad na kinasasangkutan ng mga flood control project.
Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya, 5 kaso na ang umabot sa mga korte, kabilang ang Sandiganbayan at Regional Trial Courts. Samantala, 166 cases ang sumasailalim sa preliminary investigation, habang 107 lifestyle checks naman ang isinasagawa.
Sinabi ni Ejercito na dapat magpatuloy ang mga imbestigasyon at managot sa ilalim ng batas ang sinumang mapatunayang sangkot sa maling gawain.
“Kung may ebidensya ng korapsyon, dapat managot. Kung may mga taong sangkot sa pagnanakaw ng pera ng bayan, kailangan nating tiyakin na mapapanagot sila sa ilalim ng batas,” ayon kay Ejercito.
Humihiling din ang Ombudsman ng P148 milyon na confidential funds, na mas mataas kumpara sa P51.47 milyon na inirekomenda ng DBM.
Ayon kay Ejercito, hindi pa nakapagpapasya ang komite kung ibabalik nito nang buo ang hinihiling na pondo ng ahensya, ngunit maaaring madagdagan ang alokasyon kapag umabot na sa plenary ang panukalang budget..
“We cannot promise that the P148 million being requested by the Ombudsman will be fully restored. But we might add a little, especially after hearing what programs and investigations could be affected,” sinabi ni Ejercito.
Binigyang-diin ng senador na nananatiling saklaw ng mga kinakailangang mekanismo ng pananagutan ang confidential funds at dapat lamang itong gamitin sa mga lehitimong layunin.
“Confidential funds do not mean that they are unaccountable. They still have to be properly justified and used for legitimate investigative purposes. May mga pagkakataon kasi na kailangan talagang confidential, particularly in gathering information,” dagdag niya.
Sinabi ni Ejercito na nananatili ang polisiya ng Senado na limitahan ang confidential funds sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas, may tungkulin sa pambansang seguridad, at nagsasagawa ng imbestigasyon.
Susuriin din ng komite ang panukala ng Ombudsman na magtayo ng bagong gusali. Ayon kay Ejercito, kailangan munang mapatunayan ang pangangailangan para rito dahil limitado ang pondong maaaring ilaan ng pamahalaan.
Sinabi niyang pinag-iisipan din ng ahensya ang pagbili ng nakatayong nang gusali sa halip na magpagawa nang bago, kabilang ang mga ari-ariang maaaring naging bakante matapos ipasara ang ilang Philippine offshore gaming operator (POGO) facility.
“Kung makakahanap sila ng good deal or bargain na existing building, that may be more practical than constructing a new one, which could cost much more. But we will have to study the proposal and see if it is justified,” saad ni Ejercito.
Dagdag niya, kailangan pa rin itong sumunod sa mga kinakailangang legal at budgetary requirements.

