top of page

Senado, inaprubahan ang merit scholarship program para sa mga nangungunang estudyante

Sari Story

September 9, 2026 at 5:40:20 AM

Larawan ni Senador Joel Villanueva

Sinabi ni Senator Villanueva, pangunahing sponsor at may-akda ng panukala, na hindi dapat maging batayan ang kalagayang pinansyal kung makapagpapatuloy sa pag-aaral ang mga estudyanteng may natatanging kakayahan sa akademya.

Senator Joel Villanueva / Facebook page

MANILA – Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ang isang panukalang batas na magtatatag ng permanenteng pambansang merit scholarship program para sa mga natatanging nagtapos ng senior high school na nais magpatuloy sa kolehiyo o technical-vocational education.


Ang Senate Bill No. 2410, o ang panukalang Presidential Merit Scholarship Program (PMSP) Act, ay kabilang sa mga prayoridad na panukala sa ilalim ng Common Legislative Agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na target na maipasa ng Kongreso bago matapos ang Hunyo 2027.


Layunin ng panukala na gawing institusyonal ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program bilang PMSP, na magsisilbing pangunahing pambansang scholarship program na nakabatay sa merit o kahusayan, at magbibigay ng magkahiwalay na programa para sa higher education at mga diploma program sa technical-vocational na larangan.


Ayon kay Senador Joel Villanueva, pangunahing sponsor at may-akda ng panukala, hindi dapat maging batayan ang kakayahang pinansyal ng isang pamilya kung makapagpapatuloy sa pag-aaral ang isang matalinong estudyante.


“Ang talino at kakayahan ay hindi dapat maging pribilehiyo lamang ng may kaya. Ito ay yaman ng ating bayan na nararapat linangin at suportahan (Talent and ability should not be a privilege only of those who can afford it; these are national assets that must be nurtured and supported),” ani Villanueva.


Aniya, idinisenyo ang programa upang pagsamahin ang academic merit at equity, o patas na pagkakataon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta ng pamahalaan sa mga estudyanteng mahusay sa akademiko ngunit kapos sa pinansyal.


“Ang merit ang nagbubukas ng pinto, habang ang equity ang nagsisiguro na ang mga karapat-dapat na estudyanteng kapos sa buhay ay nabibigyan ng patas na pagkakataong makapasok dito (Merit opens the door, equity ensures that deserving students with less in life are given a fair chance to walk through it),” ani Villanueva.


Sa ilalim ng panukala, maaaring kumuha ng undergraduate degree program na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) o technical-vocational diploma program na kinikilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga kwalipikadong nagtapos ng senior high school.


Kinakailangan na kabilang ang aplikante sa pamilyang may pinagsamang taunang gross income na hindi lalampas sa ₱2 milyon, na maaaring baguhin upang isaalang-alang ang inflation at gastusin sa edukasyon.


Kung mas marami ang kwalipikadong aplikante kaysa sa available na scholarship slots, bibigyang-prayoridad ang mga mula sa mas mababang kita.


Para sa higher education track, kinakailangang nakakuha ang aplikante ng hindi bababa sa 95-percent general weighted average noong Grade 11 at kwalipikado sa isang priority degree program.


Para naman sa technical-vocational track, kinakailangan ang hindi bababa sa 85-percent general weighted average at admission sa isang TESDA-recognized diploma program na kabilang sa priority sector.


Kabilang sa mga prayoridad na larangan ang science, technology, engineering and mathematics o STEM; agriculture and fisheries; health and allied health sciences; information technology, artificial intelligence and data science; specialized teacher education; at research and innovation.


Napapanahong pagpapalabas ng benepisyo

Inaatasan din ng panukala ang CHED at TESDA, kasama ang Department of Budget and Management, na magtakda ng malinaw na mga deadline para sa pagproseso at pagpapalabas ng scholarship benefits.


Ayon kay Villanueva, kailangang mahigpit na sundin ng mga ahensiya at paaralang kalahok ang mga itinakdang deadline at malinaw na ipaalam ang mga ito sa mga iskolar.


“Hindi pakiusap ang napapanahong paglabas ng scholarship benefits. Obligasyon ito ng pamahalaan (The timely release of scholarship benefits is not a request. It is an obligation of the government),” ani Villanueva.


“Ang scholarship na sobrang nahuhuli ang dating ay maaaring mangahulugan na may semester na hindi mapapasukan, pagkaantala sa edukasyon, o pagkawala ng isang oportunidad (A scholarship that arrives too late may already mean a semester missed, an education interrupted, or an opportunity lost),” dagdag niya.


Maaaring saklawin ng scholarship ang tuition at iba pang school fees, gastusin sa pamumuhay at relokasyon, room and board, transportasyon, mga libro, connectivity, laboratory costs at iba pang gastusing may kaugnayan sa edukasyon.


Inaatasan din ang mga iskolar na magsilbi sa Pilipinas sa bilang ng mga taong nakinabang sila sa programa. Maaaring maisagawa ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho, professional practice, research, pagtuturo, community engagement o public service.


“Ito ay panukalang batas para sa edukasyon, trabaho, at pagtatayo ng bansa (This is an education, jobs, and nation-building measure),” ani Villanueva.


Aniya, dapat maibalik sa bansa ang puhunan ng publiko sa mga iskolar sa pamamagitan ng kanilang mga kasanayan at paglilingkod.


Patuloy namang tatanggap ng kanilang mga benepisyo ang mga kasalukuyang iskolar sa ilalim ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program at hindi sila mawawalan o mababawasan ng benepisyo sa panahon ng transisyon tungo sa PMSP. 


bottom of page