Sen. Legarda, Leviste nagsumite ng counter-affidavit sa P10.44-bilyong reklamong plunder
Sari Story
September 13, 2026 at 2:28:36 AM
Nagsumite na sina Senador Loren Legarda at ang kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste ng kanilang counter-affidavit sa reklamong plunder na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Biyernes, huli mang naisumite ang counter-affidavit ay isasaalang-alang pa rin ito ng mga imbestigador habang nagpapatuloy ang preliminary investigation.
“Nag-file na sila ng counter-affidavit. Late finile 'yung counter-affidavit, if I am right, but we’re not going to get them on any technicality; we will still consider the counter-affidavit,” ani Remulla.
Inatasan ng Ombudsman sina Legarda at Leviste na tumugon sa mga alegasyong may kaugnayan sa umano’y mga solar energy project na hindi nakumpleto at nagkakahalaga ng P10.44 bilyon. Inanunsyo noong huling bahagi ng Hulyo ang reklamong plunder laban sa mag-ina.
Sinabi ni Remulla na ipinaalam sa mga imbestigador na nananatili sa Paris ang dalawang mambabatas, bagama’t nagtungo rin sila sa Switzerland.
Ayon sa Ombudsman, inaasahang aabot ng hanggang 60 araw ang preliminary investigation, pagkatapos nito ay maaaring maglabas ng resolusyon kaugnay ng reklamo.
Kapwa itinanggi nina Legarda at Leviste ang anumang pagkakamali kaugnay ng mga alegasyon.
Kasalukuyang naka-extended medical leave si Legarda sa Senado dahil sa karamdamang may kaugnayan sa kanyang baga.

