Sen. Lacson: P3.7-B pondo ng gobyerno, nagastos sa mga proyekto ng iligal na reklamasyon sa Taguig
Sari Story
September 2, 2026 at 7:50:21 AM
MAYNILA — Hindi bababa sa P3.713 bilyong pondo ng gobyerno ang nagastos sa mga natapos, kasalukuyang ginagawa, at suspendidong proyekto sa ilang bahagi ng Laguna Lake shoreline sa Taguig City, na ngayo’y tinututukan na ng gobyerno dahil sa umano’y illegal reclamation.
Ito ang ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson nitong Lunes.
Ayon kay Lacson, batay sa official records at isinagawang imbestigasyon ng kaniyang tanggapan, kabilang sa halagang ito ang mga flood control at multi-purpose projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Based on official records and our investigation, the total cost of identified completed, ongoing (and suspended) DPWH Flood Control and Multi-Purpose Projects along the ‘illegal’ Laguna Lakeshore Reclamation Areas in Taguig City has so far reached PHP3.713 billion,” ani Lacson sa isang post sa X.
Gayunman, sinabi ng senador na hindi pa kasama sa P3.713 bilyon ang iba pang umano’y maanomalyang slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River.
Ayon kay Lacson, kabilang umano rito ang mga proyektong may double appropriations at mga tinatawag na “ghost” projects, kung saan ginamit umano ang mga recycled photographs ng mga proyektong sinasabing natapos na bilang bahagi ng billing.
Sinabi ni Lacson na kabilang ang mga bagong natuklasan sa mga ebidensiyang isusumite ng kaniyang team sa fact-finding team ng Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.
Sa kabuuang halagang natukoy, P2.372 bilyon umano ang napunta sa mga proyektong isinagawa ng limang contractors.
Pinakamalaki rito ang Dahl Construction na may kabuuang P858.22 milyon, para sa limang solo projects na nagkakahalaga ng P571.5 milyon at apat na joint venture na umabot sa P286.7 milyon.
Samantala, apat na joint venture naman ang kinasangkutan ng J.C. Uyecio na may kabuuang P483.1 milyon.
Tatlong proyekto naman na nagkakahalaga ng P434.2 milyon ang isinagawa ng Toughbuilt, habang tatlong joint venture na umabot sa P329.9 milyon ang hawak ng Topnotch.
Ang GR Fervidal naman ay may limang multi-purpose building projects na nagkakahalaga ng P266.6 milyon.
Ayon kay Lacson, sinuspinde ang lahat ng limang proyekto ng GR Fervidal dahil sa “revision of plans” na may kaugnayan sa panibagong pagsusuri sa lupa o soil re-investigation.
Kasunod ito ng paglalabas ng DPWH ng cease-and-desist orders para sa mga government project na may kaugnayan sa kinukuwestiyong reclamation activities sa lugar.
Nauna nang tiniyak ni DPWH Secretary Vince Dizon kay Lacson na ihihinto ng kagawaran ang mga proyekto kapag nakatanggap ito ng kaukulang request mula sa Philippine Reclamation Authority o PRA.
Kinumpirma naman ni Dizon na nailabas na ang cease-and-desist orders matapos ang direktiba mula sa Office of the President na ipinadaan sa PRA.
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Linggo na maaaring makinabang ang gobyerno sakaling mapatunayan ang mga alegasyon ni Lacson tungkol sa mga kinukuwestiyong titulo ng lupa sa lugar.
Partikular na binanggit ni Cayetano ang isang 181,077-square-meter o tinatayang 18-hectare property na ayon kay Lacson ay may titulong nagmula sa isang homestead patent.
“May isang nasa dyaryo kahapon na [nagsabi na may] 181,000 square meters o 18 hectares daw na ‘illegally titled.’ Sa isang banda po, nagho-hope din kami na totoo iyon. Bakit? Kasi kung totoong illegal iyon, sa gobyerno iyon [mapupunta], eh di may 18 hectares tayo ngayon para sa gobyerno,” ani Cayetano.
Malugod din niyang tinanggap ang pagsusuri sa mga land title sa lugar, at sinabing matagal nang nais ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na masuri ang mga ito.
“Katulad ngayon na gusto nilang tingnan lahat ng titulo, matagal na pong gusto ni Lani iyon, ” sabi ng senador.
Patuloy naman ang pagsusuri ng mga awtoridad sa mga proyekto at land titles na may kaugnayan sa kinukuwestiyong reclamation activities sa Laguna Lake shoreline sa Taguig City.

