SC pinagtibay ang hatol sa asawa dahil sa psychological violence
Sari Story
September 20, 2026 at 8:45:37 AM
MANILA — Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na hatulan ng hanggang walong taong pagkakakulong ang isang lalaki matapos siyang mapatunayang nagkasala ng psychological violence sa ilalim ng Republic Act (RA) 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
Sa isang pahayag noong Biyernes, muling iginiit ng mataas na hukuman na hindi mismo ang pagtataksil sa asawa ang pinarurusahan ng RA 9262 kundi ang psychological violence na kaakibat nito na nagdudulot ng pagdurusang mental o emosyonal sa asawa.
“Isa sa mga anyo ng domestic violence na pinarurusahan ng RA 9262 ay ang psychological violence na ginawa sa pamamagitan ng marital infidelity, na hindi lamang lumalabag sa sumpa ng katapatan at commitment sa pag-aasawa kundi nagdudulot din ng hindi masukat na pinsala sa sikolohikal at emosyonal na kalagayan ng asawa at kanilang mga anak (One form of domestic violence punished by RA 9262 is psychological violence committed through marital infidelity, which not only transgresses the matrimonial vows of faithfulness and commitment, but inflicts inconceivable psychological and emotional harm upon the aggrieved spouse and their children),” ayon sa hukuman.
Nagpakasal ang mag-asawa noong 1999 at nagsimula ang kanilang mga problema noong 2009 nang madalas nang umuwi nang gabi ang lalaki at lumayo ang loob sa kanyang pamilya.
Noong Enero 2010, nagpadala ang lalaki ng mga text message sa kanyang asawa na nagsasabing hindi na siya uuwi, nais niyang magsimula ng bagong buhay nang mag-isa at balak niyang maghain ng petisyon para ipawalang-bisa ang kanilang kasal.
Kalaunan, natuklasan ng babae na nakikipamuhay na ang kanyang asawa sa ibang babae.
Nagpatotoo rin ang kanilang anak na nakita niyang umiiyak at nalulumbay ang kanyang ina nang mahigit dalawang taon matapos iwan ng kanyang ama ang kanilang pamilya.
Sumang-ayon ang SC sa desisyon ng CA at Regional Trial Court na naghatol na nagkasala ang lalaki at inutusang magbayad ng P130,000 bilang multa at danyos.
“Walang duda na ang marital infidelity, lalo na kung nagdudulot ito ng pagdurusang mental at emosyonal sa inosenteng asawa, ay hindi maaaring palampasin ng Hukuman sapagkat hindi lamang ito salungat sa prinsipyong konstitusyonal ng kasal at sa public policy kundi pinarurusahan din ito ng batas (There is no question that marital infidelity, especially that which causes mental and emotional suffering on the innocent spouse, cannot, in any degree, be condoned by the Court for the same is not only contrary to the constitutional principle of inviolability of marriage as well as public policy but also penalized by law),” ayon sa desisyon ng Second Division ng SC.
Iginiit ng SC na sapat ang testimonya ng asawa, psychological evaluation at testimonya ng iba pang saksi upang mapatunayan na ang mga ginawa ng kanyang asawa ay nagdulot sa kanya ng pagdurusang mental at emosyonal.

