top of page

Pulse Asia: 51% ng mga Pilipino, pabor sa personal na pagharap ni Sara Duterte sa impeachment court

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

October 14, 2026 at 7:46:36 AM

Larawan ng mga tao

Batay sa resulta ng ‘Ulat ng Bayan’ survey ng Pulse Asia Research, 51 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang pabor sa personal na pagharap ni Sara Duterte sa impeachment court ng Senado.

Philippine News Agency

Nais ng bahagyang nakararaming Pilipino na personal na tumestigo si Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado, batay sa survey ng Pulse Asia Research noong Setyembre 2026.


Batay sa resulta ng sarbey na bahagi ng ‘Ulat ng Bayan’, 51 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang pabor sa personal na pagharap ni Duterte sa impeachment court.


Samantala, 34 porsiyento ang tutol dito, 14 porsiyento ang hindi pa makapagpasya, at isang porsiyento ang tumangging sumagot.


Isinagawa ang sarbey mula Setyembre 17 hanggang 24 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 2,400 respondenteng edad 18 pataas. Mayroon itong margin of error na plus o minus dalawang percentage point sa 95 porsiyentong antas ng kumpiyansa.


Sa kabila ng pagsuporta ng nakararami sa pagharap ni Duterte, sinabi ng karamihan sa mga respondent na limitado ang kanilang kaalaman tungkol sa impeachment case.


Mahigit kalahati, o 53 porsiyento, ang umaming kaunti lamang ang alam nila tungkol sa mga pagdinig, habang anim na porsiyento ang nagsabing halos wala o wala silang alam tungkol dito.


Samantala, 35 porsiyento ang nagsabing sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa kaso, bagaman hindi ito malawak, at limang porsiyento lamang ang nagsabing marami silang alam tungkol dito.


Mas mataas naman ang interes ng mga respondent sa mga pagdinig. Aabot sa 55 porsiyento ang nagsabing interesado sila sa impeachment trial ni Duterte. Isang-kapat naman ang hindi pa makapagpasya, habang 20 porsiyento ang nagsabing hindi sila interesado.


Lumabas sa sarbey na internet at telebisyon ang pangunahing pinagkukunan ng mga Pilipino ng mga pinakabagong impormasyon tungkol sa kaso, ayon sa 64 porsiyento at 59 porsiyento ng mga respondent.


Kapwa tinukoy ng 58 porsiyento ng mga respondent ang mga ulat ng balita sa internet at telebisyon bilang pinagkukunan nila ng impormasyon. Binanggit naman ng 15 porsiyento ang radyo, habang wala pang isang porsiyento ang nagsabing umaasa sila sa mga pahayagan.


Natuklasan din sa sarbey na siyam na porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang hindi sumusubaybay sa mga pagdinig sa impeachment.


Samantala, 71 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing alam nila ang mga alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte. Sa mga nakaaalam sa mga alegasyon, 39 porsiyento ang nagsabing hindi nila matukoy kung totoo o hindi ang mga paratang.


bottom of page