top of page

Pope Leo, nagtungo sa Argentina sa gitna ng tensyon sa mga patakarang pagtitipid ni Milei at alitan sa Iran

Reuters/Leila Miller/Joshua McElwee; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 8, 2026 at 5:10:18 AM

Larawan ni Pope Leo

Kumaway si Pope Leo pagdating sa Centenary Stadium para sa isang prayer vigil sa Montevideo, Uruguay, noong Nobyembre 7, 2026. Ito ang unang pagbisita ng isang Santo Papa sa Uruguay mula noong 1988, bilang bahagi ng kaniyang 12-araw na paglalakbay sa South America.

Reuters / Andres Cuenca

Tutungo si Pope Leo sa Argentina sa Linggo para sa ikalawang bahagi ng kaniyang 12-araw na paglalakbay sa South America. Inaasahang magbibigay ng talumpati ang kauna-unahang Santo Papa na isinilang sa Estados Unidos sa harap ni Argentine President Javier Milei, isang libertarian na itinuturing na malapit na kaalyado ni Donald Trump. Mahigpit na susubaybayan ang kaniyang mga pahayag.


Maaaring higit pang lumitaw sa talumpati ang tensyon sa pagitan ng Vatican at ni Milei. Binatikos ng Simbahang Katolika ang programa nitong pagtitipid ng pangulo dahil higit na naaapektuhan nito ang pinakamahihirap. Mariin din namang sinuportahan ni Milei ang digmaan sa Iran, na binatikos ni Leo at ikinagalit ni Trump.


Bahagi ang Argentina ng ambisyosong pagbisita ni Leo sa tatlong bansa na magtatapos sa Nobyembre 17. Galing siya sa Uruguay, kung saan hinimok niya ang mga bansa sa South America na magtulungan sa pagtugon sa mga suliraning panrehiyon at maging halimbawa sa pagpapahalaga sa matiyagang diplomasya sa halip na tunggalian.


Ang 71-anyos na Santo Papa, na nagsasagawa ng isa sa pinakamahihirap na paglalakbay sa ibang bansa ng isang pinuno ng Simbahang Katolika sa nakalipas na mga dekada, ay nagtungo sa rehiyon wala pang isang buwan matapos sumailalim sa operasyon para sa kanser sa baga. Siya ang unang pinuno ng Simbahang Katolika na bibisita sa Argentina mula noong 1987 at maglilibot sa apat na lungsod hanggang Miyerkules.


MAHIGPIT NA SUSURIIN ANG TALUMPATI NG SANTO PAPA


Nahalal si Milei noong 2023 matapos ang sunod-sunod na pamumuno ng mga Peronistang maka-kaliwang sentro. Nangampanya siya gamit ang isang chainsaw bilang simbolo ng malawakang pagbawas sa gastusin ng pamahalaan na ipinangako niyang ipatutupad upang mapatatag ang pananalapi ng bansa.


Sa bawat pagbisita niya sa ibang bansa, nagbibigay ng mensahe si Leo sa mga pamahalaan. Karaniwan siyang gumagamit ng maingat at diplomatikong pananalita, ngunit nitong mga nakaraang panahon ay naging mas matapang siya sa pagpapahayag ng kaniyang paninindigan sa pandaigdigang entablado, partikular sa pagtuligsa sa direksiyon ng pamumuno sa mundo.


Hindi inaasahang direktang pupunahin ni Leo si Milei sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniyang pangalan. Gayunman, posibleng tukuyin niya ang mga patakaran ng pamahalaan o mga pandaigdigang pangyayari sa kaniyang talumpati, na masusing susuriin ng mga tagamasid sa politika.


"Maaaring ituring na di-tuwirang pagpuna kay Milei ang anumang pahayag ni Leo, lalo na tungkol sa kahirapan, mga limitasyon ng malayang pamilihan o mapanlabang retorika sa politika. Maaari rin nitong palakasin ang umiiral na pagtutol sa mga hakbang ng pamahalaan (Any interventions by Leo, particularly on poverty, the limits of markets or confrontational political rhetoric, could be read as implicit criticism of Milei and amplify existing opposition to the government's approach),"  pahayag ni Nicolas Watson, managing director ng advisory firm na Teneo.


Ipinagtanggol ni Milei ang kaniyang mga patakarang pagtitipid bilang tanging paraan upang makontrol ang inflation. Sa ilalim ng kaniyang programang pang-ekonomiya, bumaba ang taunang inflation mula sa mahigit 200 porsiyento tungo sa 33 porsiyento.


Gayunman, ipinakikita ng mga survey na bumaba ang kaniyang popularidad bago ang halalan sa susunod na taon, habang nahaharap ang mga Argentine sa pagbabawas ng subsidiya, tanggalan sa sektor publiko at pagsasara ng mga negosyo dahil sa paghihigpit ng badyet ng mga sambahayan.


BIBISITA ANG SANTO PAPA SA PIITAN AT SENTRO PARA SA MGA TAONG MAY KAPANSANAN


Sa loob ng 18 buwan ng kaniyang pamumuno bilang Santo Papa, mariing nagbabala si Leo tungkol sa mga panganib ng artificial intelligence, hinimok ang mga pinuno ng mundo na tratuhin nang mas makatao ang mga migrante, at nanawagan ng pagkilos laban sa climate change. Ang mga paninindigang ito ang naglagay sa kaniya sa hindi pagkakasundo kay Trump at iba pang mga pinunong maka-kanan.


Ayon kay Fortunato Mallimaci, isang sosyologo mula sa ahensiya ng pananaliksik na Conicet sa Argentina, magdudulot ng pagkakaisa at bagong sigla ang pagbisita ni Leo sa mga mamamayang nakakaramdam na isinasantabi sila ng programang pang-ekonomiya ni Milei.


Kabilang sa mga nakatakdang puntahan ng Santo Papa sa Argentina ang isang sentro para sa pangangalaga ng mga taong may kapansanan at isang piitan. Binibigyang-diin ng mga pagbisitang ito ang kaniyang hangaring bigyang-pansin ang mga sektor ng lipunang madalas maisantabi.


Ayon kay Jorge Silanes, direktor na panrelihiyon ng Pequeño Cottolengo Don Orione care center na tatanggap sa Santo Papa sa Lunes, higit na makabuluhan ang pagbisita nito dahil nabawasan ang mga benepisyo para sa mga taong may kapansanan bunsod ng mga pagbawas sa gastusin ng pamahalaan, habang nananatiling laganap ang kahirapan.


Nakilala si Milei sa sunod-sunod na pang-iinsulto sa hinalinhan ni Leo na si Pope Francis, isang Argentine na hindi na nakabalik sa sariling bansa sa loob ng 12 taon niyang panunungkulan. Sa kabila ng pagtawag niya kay Francis bilang "isang hangal (an imbecile),”  kalaunan ay sinikap ni Milei na ayusin ang kanilang ugnayan at binisita ang yumaong Santo Papa sa Vatican.


"Walang mapapala si Milei sa pakikipag-away kay Leo (Milei doesn't win anything by fighting with Leo)," pahayag ni Veronica Gimenez Beliveau, isang sosyologo sa University of Buenos Aires. "Mas makabubuti sa kaniya kung maipakikita niya ang isang maayos na bansa at pamahalaan (He could gain in showing an orderly country and administration),"  dagdag niya.


—Ulat nina Leila Miller at Joshua McElwee, may karagdagang ulat ni Lucila Sigal; inedit nina Lucinda Elliott, Rod Nickel at Alistair Bell/Reuters


bottom of page