Political asylum ni dating Duterte spokesperson Harry Roque, ‘nasa limbo’ — DILG
Sari Story
September 24, 2026 at 3:16:45 AM
Ibinahagi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules na nananatiling nasa limbo o hindi pa tiyak ang estado ng asylum application ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, na inilarawan pa niya bilang nasa estado umano ng purgatoryo.
Ayon kay Remulla, hindi pa naaaprubahan o nare-reject ang aplikasyon ni Roque. Karaniwang umaabot umano nang anim na buwan ang proseso, ngunit mahigit anim na buwan hanggang isang taon na itong nakabinbin nang walang desisyon.
“Hindi approved, hindi disapproved. Kaya, kumbaga, nasa purgatory siya ng asylum ngayon. Kasi usually six months lang yan eh. Six months, nine months na, one year yata, hindi pa binibigay sa kanya. So, neither here nor there. Wala pang batas na nagsasaklaw ukol sa kanyang asylum. Nagkukonsulta kami sa international lawyers kung makokover na siya ng red notice na makuha na namin tungkol sa kanya (Not approved, not disapproved. So, we could say he's in asylum purgatory right now. Because that's usually only six months. It's been six months, nine months, maybe one year, and they haven't given it to him yet. So, neither here nor there. There's no law that covers his asylum. We are consulting with international lawyers to see if he can be covered, if we can get a red notice about him),” saad ni Remulla.
Sinabi ito ng kalihim sa mga mamamahayag sa sidelines ng turnover ceremony para sa 73 bagong motorcycle units para sa Unified 911 emergency response sa headquarters ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon kay Remulla, naisumite na ng mga awtoridad ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa Interpol Red Notice laban kay Roque at hinihintay na lamang ang aksyon ng international police organization sa kahilingan.
Itinanggi rin ng kalihim ang pahayag ni Roque na siya ay inuusig dahil sa politika. Aniya, human trafficking ang kinakaharap na kaso ni Roque.
Pinaghahanap si Roque mula noong Mayo 2025 matapos maglabas ang isang korte sa Angeles City ng non-bailable arrest warrant laban sa kanya at iba pang respondent dahil sa kasong qualified human trafficking na may kaugnayan sa Lucky South 99 Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
“Nobody is being politically persecuted. Ang charge sa kanya (Roque) ay human trafficking. At ang charge kay Zaldy Co is plunder. Pareho silang part of the administration dati. Hindi ano to, hindi political persecution. May krimen talaga. Kung tingin nila, inosente sila, humarap sila dito. Parehas naman ang labanan (The charge against him (Roque) is human trafficking. And the charge against Zaldy Co is plunder. They were both part of the administration before. This is not political persecution. There is a real crime. If they think they are innocent, they should face it. The battle is fair),” pagdidiin ni Remulla.
Nahaharap naman si Co sa kasong plunder kaugnay ng umano’y PHP7.44-bilyong kickback scheme na kinasasangkutan ng mga proyekto ng pamahalaan para sa flood control.
Bukod naman dito, sinabi rin ng kalihim ng DILG na ipinagpaliban ang nakaplano niyang pagpunta sa France kaugnay ng asylum application ng dating mambabatas matapos ang naganap na pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato.
Aniya, mas inuna niyang tapusin ang tugon ng pamahalaan sa mga insidenteng kinasasangkutan ng children in conflict with the law (CICL) o mga batang nasasangkot sa mga paglabag sa batas.
“Ito ang mas dapat unahin kaysa sa lahat. Lahat ng ibang gawain ay isasantabi. Kaligtasan ng mga bata ang dapat mauna (This takes precedence over everything. All businesses drop. Safety of the children comes first),” aniya.
73 bagong motorsiklo para amabilis na 911 response
Samantala, pinangunahan nina Remulla at NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Miyerkules ang turnover ng 73 bagong motorcycle units para sa Unified 911 emergency response.
Ipinamahagi ang mga motorsiklo sa iba't ibang police district at police station sa Metro Manila. Layunin nitong dagdagan ang mga kasalukuyang police response vehicle at personnel, lalo na sa pagtugon sa mga agarang tawag na natatanggap sa pamamagitan ng 911 emergency hotline.
Ang 73 motorsiklo ay ipinamahagi sa mga sumusunod: Manila Police District — 18; Southern Police District — 18; Quezon City Police District — 13; at Eastern Police District — 24 (Taguig — 14, Pasig — 10).
“Nagpapasalamat kami sa suporta ni Secretary Jonvic Remulla at ng aming PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. Napakahalaga ng kanilang suporta upang mapalakas ang aming kakayahang magbigay ng mas mabilis at mas maagap na serbisyo ng pulisya sa mga mamamayan ng Metro Manila (We are grateful for the support of Secretary Jonvic Remulla and our PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. Their support is crucial in strengthening our capability to provide faster and more responsive police services to the people of Metro Manila),” sabi ni Abrahano.
Giit pa Abrahano, makatutulong ang mga karagdagang motorsiklo upang mas mabilis na makarating ang mga police responder sa mga lugar na nangangailangan ng emergency assistance, lalo na sa mga lugar na matindi ang trapiko at masikip ang mga kalsada na maaaring makapagpaantala sa mga karaniwang patrol vehicle.

