Pilipinas, nakatakdang suspendihin ang pag-aangkat ng baboy para makatulong sa farmgate prices
Sari Story Network
November 10, 2026 at 6:00:00 AM
Pansamantalang sususpendihin ng Pilipinas sa loob ng 60 araw simula Nobyembre 24 ang pag-aangkat ng ilang produktong baboy upang mapataas ang farmgate prices at matulungan ang mga nag-aalaga ng baboy sa bansa na nahaharap sa kompetisyon mula sa dumaraming suplay ng mas murang imported meat.
Saklaw ng pansamantalang paghihigpit, na nakapaloob sa Department Order No. 33, ang mga sariwa, pinalamig at frozen na produktong baboy, kabilang ang buong katawan ng baboy, mga hiwa ng karne na may buto, at mga lamang-loob na maaaring kainin.
Tinatayang umabot na sa 28 bilyong piso ang lugi ng lokal na sektor ng paghahayupan dahil sa patuloy na pagdami ng inaangkat na baboy, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Iniulat ng Philippine News Agency (PNA), batay sa datos ng DA, na tumaas ng 42% ang inaangkat na baboy sa bansa, mula 589,675 metric tons noong 2023 tungong 836,240 metric tons noong 2025. Tumaas din ang bahagi ng imported pork sa kabuuang lokal na produksyon ng baboy. Umabot ito sa 65% noong unang kalahati ng 2026, mula sa 61% noong 2025 at 39% noong 2021.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na tulungan ang mga nag-aalaga ng baboy na makabawi, dahil nananatiling mas mababa sa gastos sa produksyon ang presyo ng kanilang mga alagang hayop.
Tinataya ng DA na nasa 165 piso kada kilo ang presyong kailangan upang mabawi ng mga magbababoy ang kanilang gastos. Gayunman, nasa 140 piso kada kilo lamang ang kasalukuyang natatanggap ng mga backyard hog raiser, habang nasa 150 piso kada kilo naman ang presyo para sa mga baboy na pinalaki sa mga komersiyal na sakahan.
Sabi ni Laurel, pag-aaralan ng mga awtoridad ang posibilidad na palawigin ang suspensiyon sa pag-aangkat kung hindi tataas sa antas na makabawi sa gastos ang presyo ng baboy matapos ang unang 60 araw.
Malugod namang tinanggap ng mga grupo sa industriya ang desisyon, dahil maaari umano nitong maibsan ang pressure sa merkado na dulot ng sinasabi nilang labis na suplay ng imported pork.
Ayon sa PNA, muling nanawagan ang National Federation of Hog Farmers (Natfed), Propork Federation of the Philippines, Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), at Agap Party-list na itaas ang taripa sa mga inaangkat na baboy.
Iminumungkahi ng mga grupo na ibalik sa 30% ang taripa para sa mga inaangkat na baboy na pasok sa itinakdang quota at sa 40% naman para sa mga lumalampas dito. Giit nila, kailangan ang mas mahigpit na proteksiyon sa mga inaangkat na produkto upang masuportahan ang mga lokal na prodyuser.
Sinuportahan din ni Agap Party-list Representative Nicanor Briones ang panukalang uriin ang pork jowls o pisngi ng baboy bilang karne ng baboy. Sa ilalim nito, tataas sa 40% mula sa kasalukuyang 10% ang ipapataw na taripa sa naturang produkto.
Naghihintay pa ang DA ng desisyon ng Tariff Commission kaugnay ng kahilingan nitong ibalik ang dating mga taripa sa imported pork na inihain noong Setyembre 25. Nasa proseso pa ito ng pampublikong konsultasyon, ayon kay Laurel.
Bukod sa mga hakbang sa kalakalan, isinusulong din ng ahensiya ang pagpaparami muli ng populasyon ng mga alagang baboy sa bansa at pinag-aaralan ang paggamit ng karagdagang mga bakuna laban sa African swine fever mula sa Estados Unidos at South Korea, ayon sa PNA.

