Pilipinas, bineberipika ang ulat na 14 Pinoy ang ni-recruit ng Russia para sa giyera kontra Ukraine
Sari Story
September 20, 2026 at 8:45:37 AM
MANILA — Bineberipika ng Pilipinas ang ulat na 14 na Pilipino ang ni-recruit ng Russia para lumaban sa giyera nito laban sa Ukraine, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ni DFA spokesperson Analyn Ratonel na batid ng ahensya ang mga ulat tungkol sa mga Pilipinong maaaring na-recruit sa mga dayuhang armadong pwersa at patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga Philippine foreign service post.
“Ang pangunahing prayoridad ng Kagawaran ay ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino (The Department's priority is the safety and welfare of Filipinos),” ani Ratonel.
“Kung kinakailangan, nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na magbigay ng tulong konsular alinsunod sa batas ng bansa, internasyonal na pamantayan, at mga naaangkop na regulasyon ng bansang kinaroroonan (Where appropriate, the Philippine Government remains ready to provide consular assistance consistent with Philippine law, international practice, and applicable regulations of the host country),” dagdag niya.
Muling nagpaalala ang DFA sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa pagtanggap ng mga overseas employment offer at tiyaking lehitimo ang mga recruiter at employer. Partikular na hinimok ng ahensya ang mga job seeker na maging maingat sa mga alok na maaaring mauwi sa recruitment para sa mga dayuhang armadong pwersa.
Sa isang virtual press conference na isinagawa ng European Union nitong Miyerkules, sinabi ni Munira Mustaffa, executive director ng Malaysia-based security consultancy na Chasseur Group, na 14 na Pilipino na ang naiulat na na-recruit ng Russia upang lumaban sa giyera.Batay umano ito sa datos ng Coordination Headquarters for the Treatment of Prisoners of War.
Ayon kay Mustaffa, isa sa mga Pilipino ang nasawi habang isa pa ang naging prisoner of war.

