Permit sa Reclamation, Quarrying, at Land Conversion, pinahihigpitan ng isang Senador sa DENR
Sari Story News
September 3, 2026 at 12:42:15 PM
Inirekomenda ni Senator Kiko Pangilinan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na higpitan ang pagbibigay at pagpapatupad ng mga permit para sa reclamation, quarrying, mining, at land conversion.
Ang apela ng senador ay bunsod ng matinding pagbaha dahil sa epekto ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa habagat.
Pinasusuri ng senador ang kabuuang epekto ng development sa buong watershed mula sa bundok, ilog hanggang sa mga lungsod at sa Manila Bay.
Iminungkahi ni Pangilinan ang pagtatakda ng no-go zones sa critical watersheds, wetlands, mangroves, floodways, at river easements gayundin ng striktong pagsusuri sa mga land conversion na pinagtatayuan ng subdivisions, kalsada, warehouses, at commercial developments.
Dagdag pa rito ang pagpapalakas sa monitoring sa mga quarrying at mining operations at pagsususpinde o pagbawi ng mga permit kapag may paglabag sa environmental safeguards.
"We cannot keep engineering our way out of floods while approving developments that remove the very forests, wetlands, floodplains, and waterways that absorb and carry water. Development must work with nature, not force present and future generations to suffer and pay for destroying it", giit ni Pangilinan.
Punto ni Pangilinan, hindi dapat magtapos sa pagproseso ng mga permit ang responsibilidad ng DENR kundi tungkulin nitong tiyakin ang pangangalaga sa kapaligiran na maaaring maapektuhan ng mga development projects.
"Patong-patong ang epekto sa baha ng patong-patong na mga permit sa reclamation, quarrying, at land conversion. Hindi lisensya ang environmental permits para baha ang pagdusahan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon", punto pa ni Pangilinan.

