top of page

Panukala na nagbabawal sa mga kaanak ng opisyal na lumahok sa mga government contracts, lusot na sa Plenaryo ng Senado

Sari Story News

September 3, 2026 at 11:20:37 AM

Larawan ni Senator Chiz Escudero.

Screenshot ng larawan ni Senator Chiz Escudero mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Wendell Alinea/Senate Social Media Unit

Aprubado na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na pumasok sa mga kontrata ng pamahalaan sa botong 15-0-0.

 

Sa Senate Bill 1962 na iniakda ni Senator Chiz Escudero, ipinagbabawal sa mga kamag-anak ng mga saklaw na public official at personnel ang makipagkontrata o makilahok sa mga negosyong kaugnay ng government contracts hanggang ikaapat na civil degree ng consanguinity o affinity.

 

Layon nito na maiwasan ang pagkakaroon ng conflict of interest at favoritism sa mga kontrata sa proyekto ng gobyerno.

 

Kasama rito ang pagpasok bilang subcontractor, consortium, joint venture, o anumang katulad na business arrangement para sa pagpapatupad ng kontrata ng pamahalaan.

 

Saklaw din ng panukala ang mga kontrata para sa supplies, materials, makinarya, equipment at serbisyo, gayundin ang infrastructure projects, joint ventures, public-private partnership projects at iba pang katulad na kasunduan ng gobyerno at pribadong sektor.

 

Para sa mga lalabag, nakasaad sa panukala ang parusang pagkabilanggo ng isa hanggang tatlong taon, multa na hindi bababa sa P100,000 at permanenteng pagbabawal na makalahok sa anumang government procurement activity.

 

Samantala, ang mga public official o personnel na lalabag sa panukalang batas ay maaaring mahatulan ng isa hanggang tatlong taong pagkabilanggo, multa na hindi bababa sa isandaang libong piso, at permanenteng pagkadiskwalipika sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

bottom of page