Pangulong Marcos, isinasaalang-alang ang absolute pardon kay Mary Jane Veloso
Sari Story
September 24, 2026 at 3:16:45 AM
MANILA — Ikinukunsidera ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng absolute pardon o ganap na pardon kay Mary Jane Veloso dahil sa humanitarian grounds o makataong konsiderasyon, sinabi ng Malacañang nitong Miyerkules.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro ang naturang hakbang matapos sabihin ni Bataan Rep. Albert Garcia sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Office of the President na “seryosong isinasaalang-alang” ng Malacañang ang pagbibigay ng absolute pardon kay Veloso.
Ayon kay Castro, nakabatay sa humanitarian grounds ang naturang posibilidad.
Nang tanungin kung maaaring ipagkaloob ang pardon bago mag-Pasko, sinabi ni Castro na maaari itong mangyari nang mas maaga, ngunit tumanggi siyang magbigay ng tiyak na timeline.
“Baka mas maaga. Let us see. Hayaan natin ang Pangulo magsalita,” sabi niya sa isang Palace briefing.
Nauna rito, sinabi ni Garcia na maaaring magkaroon ng anunsyo hinggil sa usapin sa mga susunod na araw.
Si Veloso, isang dating overseas Filipino worker (OFW), ay nahatulan sa kasong drug trafficking at sinentensiyahan ng kamatayan sa Indonesia noong 2010. Halos 15 taon siyang nakulong sa Indonesia bago siya napauwi sa Pilipinas noong Disyembre 2024 kasunod ng kasunduan sa pagitan ng Maynila at Jakarta.
Kasalukuyan siyang nakadetine sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.
Sinabi ni Castro na hindi kailangang humingi ng pag-apruba sa Indonesia ang pamahalaang Pilipinas para sa posibleng pagkakaloob ng pardon.
Ang posibleng pardon ay kasunod ng mga nauna nang apela ni Veloso at ng kanyang pamilya para sa executive clemency. Noong Hulyo, sinabi ng Malacañang na ipararating kay Marcos ang apela para sa kanyang konsiderasyon.
Noong Disyembre 2024, sinabi ni Marcos na sasailalim sa pagsusuri ng mga legal expert ng pamahalaan ang kahilingan para sa clemency.

