Pangulo ng Israel, pinili ang karibal ni Netanyahu na si Gadi Eisenkot para bumuo ng bagong pamahalaan
Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
November 9, 2026 at 2:54:15 AM
FILE PHOTO: Pinagsamang larawan nina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu (kaliwa), habang dumadalo sa isang memorial service para kay Ran Gvili, isang off-duty police officer na nasawi habang nakikipaglaban sa mga militanteng pumasok sa Israel sa madugong pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023. Si Gvili ang huling bihag na narekober mula sa Gaza. Kuha ang larawan sa Meitar, Israel noong Enero 28, 2026. Makikita rin si Israeli opposition leader at dating hepe ng militar na si Gadi Eisenkot (kanan), habang inilulunsad ang kampanya para sa halalan ng kaniyang bagong partidong Yashar sa isang pagtitipon malapit sa Hod Hasharon, Israel noong Hunyo 30, 2026.
REUTERS / Amir Cohen / File Photo
Pinili ni Israeli President Isaac Herzog nitong Sabado si Gadi Eisenkot, ang pinakamalakas na karibal ni Prime Minister Benjamin Netanyahu, para subukang bumuo ng bagong pamahalaan kasunod ng isang deadlocked election dahil walang sinuman sa kanila ang nakakuha ng malinaw na landas tungo sa kapangyarihan.
Nahaharap si Netanyahu, ang pinakamatagal na nanungkulan bilang lider ng Israel, sa posibilidad na mawalan ng puwesto matapos mabigo ang kaniyang koalisyong relihiyoso at nasyonalista na mapanatili ang mayorya sa halalang ginanap noong Oktubre 27. Gayunman, nanatili itong pinakamalaking grupo sa parliyamento.
Si Eisenkot, isang dating hepe ng militar, ay tumangging makipag-alyansa sa mga partidong Arabo na maaaring magbigay sa kaniya ng mayorya ng mga puwesto sa parliyamento. Gayunman, sinuportahan pa rin siya ng Arab leaders para unang sumubok na bumuo ng pamahalaan. Ito ay sa kabila ng pagtanggi ni Eisenkot na makipag-alyansa sa kanilang mga partido. Nag-ugat ang hakbang na ito sa galit ng Arab leaders sa mga patakarang itinuturing nilang racist na ipinatutupad ni Netanyahu at ng kaniyang far-right allies.
“Inimbitahan ni Pangulong Herzog si Gadi Eisenkot sa Tahanan ng Pangulo, kung saan bibigyan siya bukas ng tungkuling bumuo ng pamahalaan (President Herzog has invited Gadi Eisenkot to the President’s Residence, where he will be tasked with forming the government tomorrow),” ayon sa tagapagsalita ni Herzog. Bagama't seremonyal lamang ang karamihan sa mga tungkulin ng pangulo ng Israel, kabilang sa kaniyang kapangyarihan ang pagpili ng kandidatong susubok na bumuo ng koalisyon matapos ang halalan.
Sa isang post sa X, sinabi naman ni Eisenkot, “Panahon na upang bumuo ng isang pambansang pamahalaang tutugon sa emerhensiya. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang matiyak na magiging karapat-dapat tayo sa tungkuling ito (Now is the time to form a national emergency government. I will do everything I can to ensure we are worthy.)”
EISENKOT, NAHAHARAP SA MAHIRAP NA HAMON NG PAGBUO NG PAMAHALAAN
Inaasahang susundan ng ilang linggong negosasyon ang pagkakapili kay Eisenkot. Mayroon siyang 28 araw upang makabuo ng pamahalaan, na maaari pang palawigin ng karagdagang 14 na araw.
Kabilang sa mga posibleng hakbang na maaari niyang gawin ang pagbuo ng minority government sa tulong ng mga boto ng mga partidong Arabo para sa mahahalagang usapin; pakikipag-alyansa sa mga partidong ultra-Orthodox na dati na niyang tinanggihan at ng kaniyang mga kaalyado; o pagbuo ng isang nagkakaisang pamahalaan kasama si Netanyahu.
Gayunman, sinabi ng mga analyst na malabong maisakatuparan ang alinman sa tatlong opsyon.
Kung mabigo si Eisenkot, maaari namang subukan ng isa pang kandidato na bumuo ng pamahalaan. Kapag nabigo rin ito, maaaring pumili ang parliyamento ng panibagong kandidato.
May itinakdang palugit na humigit-kumulang 100 araw para sa buong proseso. Kung walang magtagumpay na bumuo ng pamahalaan sa loob ng panahong ito, magsasagawa muli ng halalan.
Nakuha ng Likud ang pinakamaraming puwesto sa hanay ng mga partido, sa kabuuang 27 sa 120 puwesto sa Knesset o parliyamento ng Israel. Gayunman, 53 puwesto lamang ang kabuuang nakuha ng mas malawak na koalisyong relihiyoso at nasyonalista ni Netanyahu, kulang sa 61 puwestong kailangan upang makuha ang mayorya.
Samantala, naging ikalawang pinakamalaking partido ang Yashar ni Eisenkot matapos makakuha ng 21 puwesto. Ngunit 48 puwesto lamang ang kabuuang nakuha ng kaniyang koalisyon, na binubuo ng apat na centre-left hanggang right-wing Jewish-led parties. Nakapagtala naman ng hindi inaasahang tagumpay ang dalawang partidong kumakatawan sa Arab minority sa Israel matapos makakuha ng kabuuang 19 na puwesto.
EISENKOT, TUTOL SA SETTLER VIOLENCE
Anak ng mga imigranteng Moroccan si Eisenkot, 66-anyos, ang posibleng maging kauna-unahang punong ministro ng Israel na magmumula sa Mizrahi community — tawag sa mga Hudyo na nagmula ang mga ninuno sa Middle East at North Africa.
Kilala si Eisenkot bilang isang pribadong indibidwal at hindi mahilig magpakita sa media. Pumasok lamang siya sa politika noong 2022. Pansamantala siyang nagsilbi sa gabinete ni Netanyahu noong panahon ng digmaan, kasunod ng pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023. Kalaunan, bumalik siya sa oposisyon.
Mula sa hanay ng oposisyon, hayagan niyang pinuna ang pamumuno ni Netanyahu, kabilang ang paraan ng pangangasiwa nito sa operasyong militar sa Gaza. Nangako rin siyang hindi siya sasali sa anumang pamahalaang pamumunuan ni Netanyahu.
Nakaapekto rin sa imahe ni Eisenkot sa publiko ang personal na sakripisyong dinanas ng kaniyang pamilya mula noong 2023. Napatay ang isa niyang anak at dalawa niyang pamangkin habang nakikipaglaban sa Gaza.
Binigyang-diin din ni Eisenkot ang kaniyang karanasan sa usaping pangseguridad noong panahon ng kampanya. Kabilang dito ang kaniyang tinatawag na “Dahiyeh doctrine,” na tumutukoy sa pagtugon sa mga pag-atake sa pamamagitan ng puwersang higit na malakas kaysa sa ginamit ng kalaban. Ginamit niya ang estratehiyang ito noong nagsisilbi siyang kumander sa digmaan ng Israel laban sa Hezbollah, na sinusuportahan ng Iran, sa Lebanon noong 2006.
Pinuna rin ni Eisenkot ang tumitinding karahasan ng mga Jewish settler laban sa mga Palestinian mula noong 2023. Nagdulot ito ng paglala ng tensiyon sa ugnayan ng Israel at mga bansa sa Kanluran. Tinutulan din niya ang far-right coalition partners ni Netanyahu na sina Itamar Ben-Gvir at Bezalel Smotrich. Kapwa naharap ang dalawang opisyal sa mga parusang ipinataw ng ilang bansa sa Kanluran dahil sa umano'y pag-uudyok sa karahasan laban sa mga Palestinian.
Pag-uulat nina Enas Alashray, Menna Alaa El Din at Alexander Cornwell; Pag-eedit nina Cynthia Osterman at Timothy Heritage / Reuters

