top of page

Palasyo: P6.2-B ayuda, P39.8-B pondo sa sakuna, nakahanda para sa ‘super’ El Niño

Sandra Samala-Salem

October 1, 2026 at 3:44:16 PM

Larawan ng  Isang aso ang naglalakad sa bitak-bitak na lupa

FILE PHOTO: Isang aso ang naglalakad sa bitak-bitak na lupa sa natutuyong Guarne Lagoon sa Arvi Park, sa Medellin, Colombia, noong Setyembre 3, 2026, kasabay ng nararanasang tagtuyot na iniuugnay sa El Niño phenomenon.

Juan David Duque / Reuters

Naghanda ang pamahalaan ng bilyun-bilyong pisong contingency at support funds upang matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, at mga komunidad na makapag handa sa posibleng epekto ng ‘Super El Niño,’ ayon sa Malacañang nitong Huwebes.


Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batay sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), maaga nang inilaan ng pamahalaan ang suporta para sa mga sektor na maaaring maapektuhan, kasabay ng pagpapalakas sa mga pondong gagamitin para sa disaster response ngayong 2026 at 2027.


Para sa 2026, nakalaan ang P6.2 bilyon na maaaring ilabas sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng UPLIFT framework para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño at pagtaas ng gastusin sa enerhiya.


Kabilang sa ayuda ang mga farm input, pataba, fuel assistance, at iba pang uri ng suporta.


Mayroon ding P39.82 bilyon sa 2026 budget para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), na maaaring gamitin para sa mga kwalipikadong pangangailangan kaugnay ng mga kalamidad, kabilang ang mga insidenteng may kaugnayan sa klima.


Para naman sa 2027, iminungkahing itaas sa P45.67 bilyon ang NDRRMF. Sa halagang ito, P14.67 bilyon ang nakalaan para sa disaster rehabilitation at reconstruction ng mga lokal na pamahalaan.


Kasama rin sa panukalang pambansang badyet para sa 2027 ang P9.88 bilyong Quick Response Funds para sa mga ahensiyang nasa frontline ng pagtugon sa kalamidad. Pinapayagan din ang karagdagang QRF support mula sa NDRRMF kung kinakailangan.


Pinalalakas din ng pamahalaan ang mga hakbang para sa food security, kabilang ang P11.18 bilyon para sa buffer stocking ng bigas ng National Food Authority, P4.5 bilyon para sa crop insurance na sasaklaw sa tinatayang 2.34 milyong maliliit na magsasaka at mangingisda, at P46.31 bilyon para sa National Irrigation Administration (NIA).


Sa pondo para sa NIA, P30.44 bilyon ang ilalaan para sa restoration at development ng mga irrigation system.


Sinabi ni Castro na bahagi ang mga pondong ito ng mga paghahandang isinasagawa ng iba't ibang ahensiya bilang tugon sa inaasahang posibleng malalang epekto ng El Niño.


“Ang pondo po ay talagang pinaglaanan para po mas magkaroon tayo ng tamang pagprepara dahil nga binabanggit ito na Super El Niño (Funds have really been allocated so we can properly prepare, especially since this is being described as Super El Niño),” ani Castro sa isang Palace briefing.


Samantala, ibinaba ng National Water Resources Board ang water allocation para sa Metro Manila mula 52 hanggang 53 cubic meters per second, patungong 44 cubic meters per second, simula Oktubre, bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig.


Gayunman, nanawagan si Castro sa publiko na maghanda ngunit iwasang mataranta o mag-hoard nang labis ng bottled water.


Ayon sa opisyal, nagsasagawa na ng mga hakbang ang mga ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang posibleng epekto ng weather phenomenon sa suplay ng tubig, agrikultura, at kalagayang panlipunan.


Hinimok din ni Castro ang mga kabahayan na magtipid sa tubig at agad na ipaayos ang mga tumutulong gripo at iba pang water leaks bilang bahagi ng paghahanda.


Nagbabala naman ang weather bureau na maaaring lumakas pa ang umiiral na El Niño at maging isang “napakalakas” o “very strong” event sa pagitan ng Setyembre at Disyembre, at magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.


bottom of page