top of page

Pagtatalaga ng isang ahensya at river-basin approach para sa flood control, itinutulak ni Sen. Pangilinan

Sari Story

September 2, 2026 at 12:58:47 PM

Larawan ng mga pasahero na nakasakay sa bangka

Pagsakay ng bangka ng mga pasahero sa Zapote Junction sa Las Piñas City

Kuha ni Joan Bondoc ng Philippine News Agency

MAYNILA – Iminungkahi ni Senador Francis Pangilinan nitong Martes na ilagay sa pamamahala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang flood control program ng Metro Manila, kasabay ng pagtatakda ng flood control efforts sa nalalabing bahagi ng bansa batay sa mga pangunahing river basin. Layon nitong magkaroon ng iisa at science-based approach na pagtugon sa problema ng baha sa buong Pilipinas.


Ayon kay Pangilinan, kailangan ng isang pambansang flood-control policy na nakabatay sa isang integrated master plan, at may malinaw na lead authority na mananagot sa bawat metropolitan area o major river basin.


Paliwanag ng senador, maaaring masayang ang pondo ng bayan sa mga magkakahiwalay na proyekto at sa halip ay mailipat lamang ang problema sa pagbaha mula sa isang komunidad patungo sa iba.


“Walang kinikilalang political boundary ang tubig. Kung tingi-tingi ang plano, tingi-tingi rin ang solusyon. Ang nangyayari, tumatagos lang ang baha sa mga kalapit-bayan,” ani Pangilinan sa isang news release.


Sa ilalim ng kanyang panukala, pangungunahan ng MMDA ang pagpaplano, koordinasyon at monitoring ng mga flood-control efforts sa buong Metro Manila.


Kailangang umayon sa iisang metropolitan flood-control master plan ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), local government units, water concessionaires, at iba pang ahensya.


Para naman sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, sinabi ni Pangilinan na dapat planuhin ang mga flood-control program ng DPWH batay sa buong river basin, sa halip na sa congressional districts, probinsya, lungsod o munisipalidad. Tulad na lamang aniya sa Pampanga, Agno, Cagayan, Bicol, Agusan at Mindanao river basins.


Ginawang halimbawa ni Pangilinan ang Central Luzon, na nakararanas ng malawakang pagbaha dahil sa ilang linggong pag-ulan na dulot ng habagat, bilang patunay sa pangangailangan ng river-basin approach.


Aniya, dapat saklaw ng flood-control planning para sa Pampanga River Basin ang magkakaugnay na daluyan ng tubig na nakaaapekto sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Tarlac at mga karatig na lugar.


Nanawagan din si Pangilinan para sa isang public database na maglalaman ng budget, contractor, specifications, timetable at master-plan component ng bawat flood-control project.


Aniya, dapat ibatay ang pagpili ng mga proyekto sa hydrological studies, hazard maps, climate projections, at datos mula sa Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards at iba pang scientific institutions.


Iminungkahi rin niya ang independent audits upang matukoy hindi lamang kung naipatayo ang mga proyekto alinsunod sa kanilang specifications, kundi kung tunay na nakatulong ang mga ito sa pagbawas ng baha nang hindi nagpapalala sa sitwasyon sa ibang lugar.


Ayon kay Pangilinan, matagal nang inirerekomenda ang mga katulad na prinsipyo ng World Bank, Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency, National Economic and Development Authority, National Disaster Risk Reduction and Management Council, at Project NOAH sa kanilang mga flood-management at climate-resilience framework.


“Kailangan nang i-overhaul ang kasalukuyang flood-control system ng bansa. Palitan ng isang master plan na may isang chain of accountability na transparent sa lahat at measurable ang results para sa mga river basin at metropolitan area,” giit ni Pangilinan.


bottom of page