Pagkakapanalo ng mga Democrat sa mga karera para sa state attorney general, dagdag-hamong pampulitika kay Trump
Reuters / Dan Rosenzweig-Ziff; Isinalin ng Sari Story Network
November 9, 2026 at 5:23:35 AM
Nagsalita si US House Democratic Leader Hakeem Jeffries (Democrat-New York) hinggil sa muling pagkakamit ng mga Democrat ng mayorya sa US House of Representatives kasunod ng midterm elections, sa isang press conference na ginanap sa Democratic Congressional Campaign Committee (DCCC) sa Washington, DC, United States, noong Nobyembre 4, 2026.
Reuters / Jonathan Ernst
Nakuha ng mga Democrat ang mga puwesto ng attorney general sa limang estado na karaniwang maka-Republican nitong midterm elections sa Amerika. Dulot nito ay malaking dagok sa conservative legal movement at nagbukas ng panibagong hamon sa mga polisiya ni US President Donald Trump.
Ang mga tagumpay sa Texas, Ohio, Georgia, Iowa at Kansas ay maaaring makagambala sa mga estratehiyang legal ng mga konserbatibo. Posibleng ihinto ng mga papasok na Democratic attorney general ang pakikipagtulungan sa mga operasyong pederal laban sa mga imigrante, palakasin ang access sa serbisyong may kaugnayan sa aborsyon, at magsampa ng mga kasong magkakasamang ihahain ng ilang estado laban sa mga polisiya ng administrasyong Trump hinggil sa kalikasan at mga baril.
“Ang tanggapan ng attorney general sa Texas ay nagsilbing pribadong law firm ng kilusang MAGA. Hindi na ito mangyayari (The Texas AG’s office has been operating as the private law firm of the MAGA movement. No more),” ayon kay Nathan Johnson, ang nahalal na attorney general ng Texas, sa isang panayam.
Sinasalamin ng pagbabagong ito ang mas malawak na pagtutol ng mga botante na nakita sa midterm elections, kung saan nakapagtala ng mga tagumpay ang mga Democrat sa iba't ibang panig ng bansa. Gayunman, pinakamabilis na maaaring maramdaman ang epekto nito sa mga kabisera ng mga estado, kung saan ang mga attorney general ang nangangasiwa sa mga prayoridad ng pagpapatupad ng batas, nagbibigay ng legal na gabay at humahamon sa mga kautusan ng pederal na pamahalaan.
“Ang mga tanggapan ng Republican state attorney general ang nangunguna sa pakikibaka ng konserbatibong kilusang legal (The Republican state AG offices are the tip of the spear of the conservative legal movement),” ayon kay Mike Davis, isang maimpluwensiyang konserbatibong abogado.
“Malaking dagok sa mahahalagang adbokasiya ng mga konserbatibo ang pagkawala ng mga puwestong ito (Losing these offices is a major setback for key conservative causes),” dagdag niya.
Hindi tumugon ang US Department of Justice sa kahilingan para sa komento. Samantala, itinuro ng White House ang mga naunang pahayag ni Trump kung saan sinabi nitong natalo ang mga Republican sa midterm elections dahil hindi siya mismo kasama sa mga kandidato.
PAGSUSULONG SA KARAPATAN SA PAGMAMAY-ARI NG BARIL, PAGBABAWAL SA ABORSYON
Sa nakalipas na sampung taon, isinulong ng mga Republican attorney general ang mga konserbatibong adbokasiya sa pamamagitan ng paghamon sa mga regulasyon ng pederal na pamahalaan, paghihigpit sa gender-affirming care, paglilimita sa mga programang nagtataguyod ng diversity at pagpapalawak ng access sa mga baril.
Partikular na nagsilbing sentro ng mga legal na hakbang ng mga konserbatibo ang tanggapan sa Texas, na ginamit ang mga mapagkukunan at mga bihasang kawani nito upang magsampa ng mga kaso laban sa mga administrasyong pinamumunuan ng mga Democrat.
Sinabi ni Johnson na rerepasuhin niya ang mga programang inilunsad ng kaniyang pinalitang opisyal na si Ken Paxton. Kabilang dito ang mga legal na hakbang laban sa mga abortion provider na nakabase sa ibang estado, mga pahayag na nag-uugnay sa mga nabibiling gamot nang walang reseta sa autism, at mga kasong kumukuwestiyon sa bisa ng mga bakuna.
Kritikal din siya sa kasalukuyang pakikipagtulungan ng estado sa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) at rerepasuhin kung dapat pa itong ipagpatuloy.
“Hindi kailanman nilikha ang tanggapan ng attorney general ng Texas upang maging bahagi ng pederal na pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon. At kung nakaaapekto ang mga gawaing ito sa wastong tungkulin ng tanggapan, babaguhin natin ang ating mga plano (The Texas attorney general office was never conceived to be an extension of federal immigration enforcement. And to the extent that they were detracting from the proper function of this office, we’re going to have a change of plans),” pahayag niya.
Handa rin si Johnson na makiisa sa mga kasong isasampa ng ilang estado laban sa tinawag niyang pang-aabuso sa kapangyarihan ng pederal na pamahalaan. Kabilang sa mga posibleng legal na laban ang mga usapin sa regulasyon laban sa Department of Health and Human Services sa ilalim ni Secretary Robert F. Kennedy Jr. Plano rin niyang higit na ituon ang tanggapan sa mga usaping may kaugnayan sa antitrust o pagpigil sa mga gawaing monopolyo, at pangangalaga sa mga mamimili. Nais din niyang muling buuin ang hanay ng mga kawani matapos ang maraming nagbitiw sa panahon ni Paxton.
Posible ring magkaroon ng katulad na pagbabago sa pamamalakad sa iba pang estadong napunta sa mga Democrat. Sa Iowa, nangako ang nahalal na Attorney General Nate Willems na papanagutin ang mga kumpanyang nagdudulot ng polusyon at muling palalakasin ang dibisyon ng tanggapan na nangangalaga sa mga mamimili. Malaki ang magiging pagbabago nito kumpara sa papalabas na Republican Attorney General na si Brenna Bird, na nakakuha ng pambansang atensiyon matapos ihinto ang pagbabayad ng estado para sa mga serbisyong aborsyon ng mga biktima ng panggagahasa. Sa Ohio naman, nangampanya ang nahalal na Attorney General John Kulewicz sa pangakong sugpuin ang labis at hindi makatarungang pagtataas ng presyo ng mga produkto ng malalaking kumpanya.
Sa Kansas, sinabi ni Chris Mann na nais niyang gawing hindi partisan o walang kinikilingan sa politika ang tanggapan dahil hati ang kaniyang estado.
“Nais kong ilayo ang tanggapan sa mga adyendang pampolitika at ibalik ang pokus nito sa mga pangunahing tungkulin (I want to refocus it away from political agendas),” aniya. Gayunman, nababahala rin siya sa mga pagsalakay ng ICE sa ilang bahagi ng estado. Plano rin niyang repasuhin ang lahat ng kasong isinampa ng kaniyang pinalitang opisyal, kabilang ang kasong kumukuwestiyon sa access sa mifepristone, isang gamot na ginagamit sa aborsyon.
NAKATUTOK ANG ATENSIYON SA FLORIDA
Dahil sa pagkawala ng mahahalagang puwesto sa mga estadong karaniwang sinusuportahan ng mga Republican, inililipat ngayon ng mga lider ng konserbatibong kilusang legal ang kanilang atensiyon sa Florida. Ito ang sinabi ng dalawang dating opisyal ng US Department of Justice na humiling na huwag pangalanan upang mapag-usapan ang mga panloob na estratehiya ng kanilang grupo.
“Nangunguna na ang tanggapang ito sa mga laban na ito mula nang maupo ako sa puwesto, at patuloy namin itong gagawin (This office has been leading these fights since the day I took office, and we're going to keep leading them),” ayon sa pahayag ni Florida Attorney General James Uthmeier. Sa isang panayam sa Fox News, nangako rin siyang magsisilbing huling panangga laban sa mga Democrat.
Gayunman, halos sangkatlo lamang ng laki ng tanggapan sa Texas ang departamento sa Florida. Inilarawan naman ito ng Republican Attorneys General Association bilang pangunahing imbakan ng partido ng mga bihasang eksperto sa batas.
Ayon sa ilang kaalyado ng administrasyong Trump, matagal nang nakahanda ang mga estadong pinamumunuan ng mga Democrat, gaya ng California at New York, na hamunin sa korte ang bawat pangunahing kautusang inilalabas ng pangulo. Ngunit nangangamba ang mga kaalyado ni Trump na kung mananalo ang mga Democrat sa pagkapangulo sa 2028 habang hawak din nila ang mga puwesto ng attorney general sa mga estadong ito, maaari nilang mawala ang mga legal na kasangkapang ginagamit nila sa antas ng estado upang harangin ang mga polisiyang Democrat na itinuturing nilang lumalampas sa itinakdang kapangyarihan.

