Pagapruba sa comprehensive school Safety act, pinamamadali na ni Sen. Mark Villar
Sari Story
September 1, 2026 at 3:47:00 PM
Nanawagan si Senator Mark Villar sa Senado para sa mabilis na pagpapatibay ng panukalang Comprehensive School Safety Act o Senate Bill 2426 sa gitna na rin ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa co-sponsorship speech ni Villar, iginiit niya na lubos nang nakakaalarma ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan kaya kailangan na magkaroon ng comprehensive at holistic na solusyon sa isyung ito.
Tinukoy din ng senador na madali na para sa mga kabataan ang pagkakaroon ng access sa baril at iba pang deadly weapons.
"Lubos pong nakakaalarma ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan. Kailangan po na magkaroon ng comprehensive at holistic na solusyon sa isyu na ito, lalong-lalo na at nakikita natin kung gaano kadali para sa mga kabataan ang magkaroon ng akses sa baril at iba pang deadly weapons", ani Villar.
Bukod sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga estudyante, binigyang-diin din ni Villar ang pangangailangang magbigay ng karagdagang suporta at proteksyon sa mga guro at kawani ng paaralan na may tungkuling pangalagaan ang mga magaaral sa panahon ng emergency kahit sila mismo ay nahaharap sa panganib.
"Bukod sa kanilang teaching load, nakasalalay rin po sa ating teachers at school staff ang seguridad ng mga estudyante tuwing mayroong insidente tulad nang nangyari sa Tacloban at Zamboanga kung saan school personnel ang ilan sa naging biktima. Mahalaga rin po na bigyan sila ng karagdagang suporta at proteksyon", tugon pa ng mambabatas.
Nakapaloob din sa panukala ang mga paraan sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa iba’t ibang banta at emergency upang mapangalagaan ang pisikal, mental, psychosocial, pangkalusugan, at digital na kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.
Ipinaalala ni Villar na bilang mga mambabatas at mga magulang, responsibilidad na siguraduhing malaya at ligtas ang mga bata na makakapag-aral at makakauwi sa kanilang mga tahanan at walang magulang ang dapat na mangamba sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

