Marcos, nais makipagtulungan sa India para sa mga proyekto sa PH railway at space project
Sari Story
September 14, 2026 at 6:46:12 AM
Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makipagtulungan sa India at makinabang sa technical expertise nito para sa malalaking railway projects at space technology development sa Pilipinas.
Sa sidelines ng kanyang pagdalo sa 18th BRICS Summit sa New Delhi, India nitong Sabado, magkahiwalay na nakipagpulong si Marcos sa mga kinatawan ng Rail India Technical and Economic Service Ltd. o RITES at Indian Space Research Organisation o ISRO.
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, tinalakay ni Marcos kasama ang mga kinatawan ng RITES ang posibleng pakikipagtulungan sa hindi bababa sa tatlong railway projects.
Kabilang sa priority projects ang Mindanao Railway Project, isang mass rail system sa Cebu, at pagpapalawig ng Philippine National Railways o PNR mula sa Tutuban commercial center sa Tondo, Maynila.
Sinabi ni Gomez na maaaring makilahok ang RITES bilang consultant o sa pamamagitan ng public-private partnership o PPP, at tumulong din sa Pilipinas na tuklasin ang posibilidad ng official development assistance o ODA.
“So, titingnan nila ‘yun at pag-aaralan natin (they will look into them and we will study them),” ani Gomez matapos ang pulong.
Ang RITES ay isang government-owned enterprise ng India sa ilalim ng Ministry of Railways na nagbibigay ng consultancy services sa transportasyon, imprastraktura at mga kaugnay na teknolohiya.
Kabilang ito sa listahan ng top 500 Indian companies at nagbibigay ng serbisyo sa mga kliyente sa mahigit 55 bansa sa Asia, Africa, Latin America at Middle East.
Nakipagpulong din si Marcos sa mga opisyal ng ISRO upang talakayin ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Space Agency o PhilSA bilang suporta sa pangmatagalang layunin ng Pilipinas na maglunsad ng sariling satellite.
Ayon kay Gomez, maaaring ibahagi ng India sa Pilipinas ang teknikal na kaalaman at karanasan nito habang pinalalakas ng administrasyong Marcos ang kakayahan ng bansa sa space technology.
“Importante talaga na magkaroon din tayo ng sarili nating satellite dahil maraming gamit, maraming tulong ‘yan (It is really important for us to have our own satellite because it has many uses and can provide a lot assistance), from communications to weather forecasting because of climate change, kailangan natin ‘yan (we need it, as well as for), defense and security,” ani Gomez.
“So, talaga ‘yun ang aspiration ng administrasyong Marcos (that is really the aspiration of the Marcos adminsitration) -- to eventually launch our satellite. So, tutulungan nila tayo (they will help us),” dagdag niya.
Ang ISRO ang space agency ng India na responsable sa pagpapaunlad ng space technology at paggamit nito para sa mga pangangailangan ng bansa, kabilang ang komunikasyon, meteorological services, resources monitoring and space-based navigation.
Nakaiskedyul ding makipagpulong si Marcos sa tatlong kompanya ng India nitong Sabado ng hapon upang talakayin ang mga posibleng pamumuhunan at oportunidad sa trabaho sa Pilipinas.

