Maayos na pagpapatupad ng DOH sa Polisiya at Operasyon para sa kalusugan, pinatitiyak ni Sen. Bong Go
Sari Story News
September 4, 2026 at 12:53:17 PM
Pinatitiyak ni Senator Christopher "Bong" Go sa Department of Health (DOH) ang maayos na pagpapatupad ng mga polisiya ng gobyerno para sa kalusugan.
Sa budget hearing ng 2027 national budget, hiniling ni Go sa DOH ang tuloy-tuloy na pagpopondo sa operasyon ng kagawaran kasama na rito ang mga Regional Specialty Centers sa bansa at iba pang mga programa.
Tiniyak naman ni Health Secretary Edwin Mercado sa pagdinig ngayong araw sa Senado na kasama sa kanilang budget at plano ang pagtiyak sa epektibong implementasyon ng polisiya at operasyon para sa kalusugan.
"Sana po mabigyan nyo rin po ito ng prioridad, itong batas na ito. Malaking tulong po itong mga specialty centers, itong regional specialty centers. May we get your commitment also to give priority on this?", tanong ni Go kay Mercado.
"17 specialties po yan, in fact, at nakalatag na nga po base sa magandang pag-aaral. Meron pong datos sa pinagbasehan niyan kung saan po ilalagay. Yun po yung titingnan ko rin. Yun nga lang po, pwede rin po nating i-prioritize according to that law kasi marami rin pong humihingi at humihiling na maglagay din ng specialty centers. Minsan po nagdo-double o nag-o-overlap", tugon ni Mercado.
Samantala, nananatili namang hindi sapat ang coverage at health benefit packages nito, kung ikukumpara sa pangangailangan at gastusin ng pasyenteng Pilipino.
Sa pagtatanong ni Go kay PhilHealth President Dr. Beverly Ho, inamin ni Ho na nagkaroon ng pagtaas sa PhilHealth coverage package subalit hindi pa rin ito sapat para tugunan ang lahat ng medical expenses.

