top of page

Lumang oil deregulation law, muling hiniling ng isang senador na amyendahan na

Sari Story

September 1, 2026 at 3:44:45 PM

Larawan ni Senador Erwin Tulfo

Kuhang-larawan ni Senador Erwin Tulfo

Senate Social Media

Ipinanawagan muli ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na amyendahan na ang lumang Oil Deregulation Law para obligahin ang pagkakaroon ng transparency sa pagpapataw ng presyo ng mga kumpanya ng langis sa Pilipinas.

Sa ganitong paraan ay mapipilitan ang mga oil companies na sabihin ang batayan nila sa pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Tinukoy ni Tulfo na nakasanayan na ng mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo pero hindi na ipinapaliwanag kung bakit at walang magawa ang mga consumers kundi ang magbayad.

"Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad", pahayag ni Tulfo.

Idiniin pa ng senador na maituturing na pabigat ang kasalukuyang bersyon na ito ng Oil Deregulation Law tulad sa epekto ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) sa mga consumers.

"Dahil sa mga lumang batas na ito, ang mga system loss ay ipinapasa sa mga mamimili. Alam na alam ng mga kumpanya ng kuryente na kailangan nilang i-upgrade ang kanilang sistema, ngunit pinabayaan lang nila itong masira dahil madali lang naman nilang maipapasa ang singil ng system loss sa publiko", dagdag pa ng senador.

Inirekomenda ni Tulfo na palakasin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa oil companies kung saan hindi papayagan ang biglaang pagtataas ng presyo at kailangan munang ipaliwanag ang batayan ng gagawing pagtataas sa presyo.

"Ang gagawin natin ay palalakasin natin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa mga kumpanyang ito. Wala nang biglaang pagtaas ng presyo—kailangan na nilang ipaliwanag kung bakit sila nagtataas ng presyo sa ganoong paraan", paliwanag ni Tulfo.

Katwiran ng senador, bagama’t maliit lamang ang maitatapyas ng repormang ito sa presyo ng mga bilihin, malaking bagay pa rin ang bawat pisong matitipid para sa mga karaniwang Pilipino na naiipit ng inflation.

bottom of page