top of page

Limang taong termino ng mga opisyal ng barangay at SK, inaprubahan ng Senado

Sari Story

September 16, 2026 at 3:53:59 AM

Larawan ni Senator Chiz Escudero

Screenshot ng larawan ni Senador Chiz Escudero mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Joseph Vidal / Senate Social Media Unit

Inaprubahan ng Senado nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula apat na taon sa limang taon.


Sa botong 13 pabor, limang tutol at walang abstention, ipinasa ng mga senador ang Senate Bill No. 2387 na nag-aamyenda sa Republic Act No. 12232. Sa ilalim ng panukala, ililipat sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 ang susunod na regular na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), habang isasagawa ang mga susunod na halalan kada limang taon.


Sinabi ni Senador Francis “Chiz” Escudero, pangunahing may-akda at sponsor ng panukala, na magbibigay ang limang taong termino ng sapat na katatagan sa mga lokal na lider upang maipatupad ang mga pangmatagalang programa sa komunidad nang hindi naaantala ng sunod-sunod na halalan.


“Isinasaalang-alang ng limang taong termino ang mga kinakailangang gawain sa pagsasaayos ng organisasyon sa pagsisimula ng bawat administrasyon, habang binibigyan ang mga opisyal ng barangay at SK ng mas mahaba at tuloy-tuloy na panahon upang bumuo, magpatupad, magsuri at pagbutihin ang kanilang mga programa (A five-year term accounts for the transition of organizational work required at the start of every administration while providing barangay and SK officials a longer, uninterrupted period to formulate, implement, evaluate, and refine their programs),” ani Escudero.


Binigyang-diin ni Escudero na bilang mga tagaplano sa komunidad, tagapangalaga ng kapayapaan at unang rumeresponde sa mga emergency, nagsisilbing direktang ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa pagitan ng mga serbisyo ng pamahalaan at mga komunidad. Aniya, makatutulong ang pagpapahaba ng termino upang mabalanse ang katatagan ng pamamahala at pananagutan sa mga botante.


“Mananatiling regular, pana-panahon at tiyak ang mga halalan. Alam ng mga botante kung kailan idaraos ang halalan, maaaring panagutin ang mga opisyal sa takdang panahon, at mananatili sa kanila ang ganap na demokratikong kontrol sa pamamahala ng barangay (Elections remain regular, periodic, and certain: the electorate knows when the election will occur, can hold officials accountable at definite intervals, and retain full democratic control over barangay governance),” dagdag niya.


Itinatakda rin ng panukala na ilipat ang araw ng halalan mula sa unang Lunes patungo sa ikalawang Lunes ng Nobyembre. Ipinaliwanag ni Escudero na magbibigay ang pagbabagong ito ng karagdagang panahon para sa Commission on Elections (Comelec) at mga lokal na pamahalaan na ayusin ang mga kinakailangang logistical preparations at maiwasan ang pagsabay sa dagsa ng mga biyahero tuwing Undas.


bottom of page