top of page

Libreng pabahay para sa kwalipikadong mga pamilyang Pilipino sa lupang pag-aari ng gobyerno, inaprubahan ng Senado

Sari Story

September 16, 2026 at 3:53:59 AM

Larawan ng isang gusali

Screenshot ng larawang inilathala sa Facebook page ng DHSUD Regional Office National Capital Region.

DHSUD Regional Office National Capital Region / Facebook page

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtatatag ng libreng pabahay para sa mga kwalipikadong pamilyang Pilipino na maaaring manirahan sa lupang pag-aari ng gobyerno nang hindi inililipat sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa.


Ipinasa sa plenary session nitong Lunes, Setyembre 14, 2026, ang Senate Bill No. 2421 o ang Adequate and Decent Housing Through Usufruct Act.


Sa ilalim ng panukala, maaaring tirhan at gamitin ng mga benepisyaryo ang ari-arian ng gobyerno bilang tirahan sa pamamagitan ng mga kasunduan sa usufruct. Sa usufruct, pinahihintulutan ang isang tao na gamitin at makinabang sa ari-arian ng ibang partido, ngunit kailangang pangalagaan ang anyo at kondisyon nito.


Sinabi ni Senador Francis “Chiz” Escudero, sponsor ng panukala, na magbibigay-daan ang sistema sa pamahalaan na makapaglaan ng disenteng pabahay sa mga pamilya habang nananatili sa gobyerno ang pagmamay-ari ng lupa.


Para mapalakas ang legal na proteksyon ng mga benepisyaryo at matiyak ang transparency, itatala sa Registry of Deeds ang mga kasunduan sa usufruct sa ilalim ng panukala.


Lilimitahan ang programa sa mga mahihirap na Pilipino na walang sariling bahay o iba pang real property. Hindi kwalipikado ang mga professional squatter at mga miyembro ng squatting syndicates.


Maaari lamang gamitin bilang tirahan ang mga housing unit na ipagkakaloob sa ilalim ng programa. Ipinagbabawal sa mga benepisyaryo na ibenta, ilipat, isanla o ipaarkila ang kanilang mga unit sa ibang tao.


Mawawalan ng karapatang manirahan sa ari-arian ang mga lalabag at pagbabawalan ding lumahok sa anumang programa ng pamahalaan para sa pabahay sa loob ng 10 taon.


Pangungunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagpapatupad at pagsubaybay sa programa, habang mamamahala ang mga local government unit (LGU) sa mga ari-arian at titiyaking makatatanggap ng pangunahing serbisyo ang mga benepisyaryo.


bottom of page