Kongreso, inaatasan ng Konstitusyon na magpasa ng batas laban sa political dynasty — Korte Suprema
Sari Story
September 17, 2026 at 1:14:18 PM
MAYNILA – Inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na tuparin nito ang obligasyong itinakda ng Konstitusyon na magpasa ng batas na nagbabawal sa political dynasty sa lalong madaling panahon.
Inilabas ng Kataas-taasang Hukuman ang direktiba matapos nitong ideklara sa sesyon noong Agosto 26 na sa ilalim ng Article II, Section 26 ng Konstitusyon, inaatasan ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty. Giit ng SC, ang kabiguang gawin ito sa loob ng 39 taon ay maituturing na grave abuse of discretion.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng SC na pinagbigyan ng en banc ang pinagsamang petisyon para sa certiorari at mandamus, matapos kuwestiyunin ng mga petitioner ang matagal nang kabiguan ng Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay-kahulugan at magbabawal sa political dynasties.
Bagama’t isang sangay ng pamahalaang kapantay ng Hudikatura ang Kongreso, sinabi ng SC na ang hindi nito pagpasa ng naturang batas ay isang lubhang pambihirang sitwasyon na nagbibigay-katwiran sa pagpapalabas ng mandamus order upang ipatupad ang itinakda ng Konstitusyon.
“Mula ngayon, na may kasamang pinakamataas na antas ng pagmamadali, dapat ipasa ng Kongreso ng Pilipinas ang naaangkop na batas laban sa political dynasty sa lalong madaling pagkakataon (The Congress of the Philippines must henceforth and with utmost urgency enact the appropriate anti-political dynasty law at the earliest opportunity),” ayon sa tribunal.
Sinabi ng SC na ang Section 26, na nagsasaad na “the State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law,” ay hindi lamang isang mithiin kundi isang utos ng Konstitusyon.
“Malinaw sa paggamit ng salitang ‘shall’ na may obligadong tungkulin ang Estado na tiyakin ang pantay na access sa mga oportunidad para sa serbisyo publiko at ipagbawal ang political dynasties (“The use of the word ‘shall’ makes clear that the State has a mandatory duty both to guarantee equal access to public service and to prohibit political dynasties),” sabi ng korte.
“Ang pariralang ‘as may be defined by law’ ay hindi nagbibigay sa Kongreso ng pagpipilian kung ipagbabawal o hindi ang political dynasties. Sa halip, binibigyan nito ang Kongreso ng kapangyarihang tukuyin kung ano ang bumubuo sa political dynasty at itakda ang saklaw ng pagbabawal (The phrase ‘as may be defined by law’ does not give Congress the choice whether to prohibit political dynasties. Rather, it gives Congress the authority to define what constitutes a political dynasty and determine the scope of the prohibition),” dagdag pa nito.
Sinabi ng SC na isinama nito sa konsiderasyon ang maraming panukalang batas laban sa political dynasty na inihain ngunit hindi naaksyunan mula nang ratipikahin ang 1987 Constitution.
Isinaalang-alang din ng Hukuman ang mga pag-aaral hinggil sa lawak ng political dynasties sa bansa at ang kaugnayan nito sa mga kalagayang socioeconomic sa Pilipinas.
Napansin ng SC na nananatiling laganap ang political dynasties at umabot na rin ang mga ito sa party-list system.
Sa kabila ng mga pagbabago sa komposisyon ng Kongreso sa paglipas ng mga taon, hindi pa rin nakapagpasa ang Kongreso ng isang komprehensibong batas laban sa political dynasty. Ayon sa SC, maaari itong magpahiwatig ng kawalan ng interes, pag-iwas dahil sa kaginhawaan, o paglilingkod sa pansariling interes.
Bagama’t walang itinakdang deadline ang Konstitusyon para sa Kongreso sa pagpasa ng naturang batas, sinabi ng SC na hindi ito nangangahulugan na maaaring ipagpaliban nang walang katiyakan ng sangay na gumagawa ng batas—na binubuo ng Senado at House of Representatives—ang tungkuling iniatas sa kanila ng Konstitusyon.

