Italy, pinalawig ang border restrictions sa Spain matapos ang pagdagsa ng mga migrante
Sari Story
September 2, 2026 at 6:07:03 AM
ROME — Inanunsyo ng Italy nitong Lunes na palalawigin pa nila ang pagsuspinde sa kanilang open-border arrangements sa Spain ng 15 pang araw, matapos ang malawakang pagdagsa ng mga migrante sa Spanish enclave na Ceuta isang buwan na ang nakalilipas.
Nakatakda na sanang magtapos nitong Lunes ang suspensyon sa EU passport-free Schengen arrangements, na ayon sa right-wing government ng Rome ay ipinatupad para matiyak na walang mga migranteng nakapasok sa Ceuta ang makapagpapatuloy sa paglalakbay patungong Italy.
“[The decision] was taken due to the persistence of the factors that had led to the reintroduction of the measures on August 1,” ayon sa pahayag ng Italian Interior Ministry.
Sabi ng mga awtoridad ng Spain, tinatayang nasa 5,000 hanggang 8,000 katao pa rin ang nananatili sa Ceuta matapos tumawid ang hindi bababa sa 72,000 migrante mula sa kalapit na Morocco noong Hulyo 30.
Hindi naman bababa sa 82 migrante ang natagpuang patay sa panig ng Spanish border, habang kinumpirma ng Morocco na may 14 pang nasawi.
Giit ng Italian Interior Ministry, batid nilang gumagawa na ng hakbang ang Spain, katuwang ang European Union, ng mga kaukulang hakbang para maibalik sa normal ang sitwasyon sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon, nasa ilalim ng matinding pressure si Prime Minister Giorgia Meloni, na kilala sa mahigpit na paninindigan laban sa illegal immigration, mula sa bagong far-right party na Futuro Nazionale, na umaani naman ng suporta mula sa ilang botante habang papalapit ang halalan na nakatakda sa susunod na taon.
Pinuna naman ng centre-left opposition ang desisyon na ibalik ang border checks, at iginiit na hindi ito kailangan dahil walang indikasyong maaaring bumiyahe patungong Italy ang mga migrante sa Ceuta. Maaari rin umanong makasira sa ugnayan ng Italy at Spain ang naturang hakbang.

