top of page

Interim chief ng BARMM, nanawagan para sa mapayapang halalan

Sari Story

September 14, 2026 at 8:47:14 AM

Larawan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua

Kuha ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua habang naghahatid ng mensahe bago ang halalan nitong Linggo (Setyembre 13, 2026). Hinimok niya ang mga botante sa rehiyon na malayang bumoto sa makasaysayang Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong Setyembre 14.

Office of the Chief Minister BARMM / Facebook page

COTABATO CITY – Nanawagan si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa mga botante na lumabas at bumoto nang maayos at mapayapa sa bisperas ng makasaysayang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).


“Hindi lamang ito tungkol sa pagpili ng mga lider, kundi patunay din ito kung gaano na kalayo ang ating narating sa peace process (This is more than just electing leaders, but it is proof of how far we have progressed in the peace process),” pahayag ni Macacua sa kanyang video message na ipinalabas nitong Linggo.


Aniya, hudyat ang halalan ng pagpasok ng BARMM sa panibagong yugto ng paglalakbay tungo sa kapayapaan.


“Nawa’y igalang natin ang karapatan ng bawat isa na pumili at huwag hayaang maging dahilan ng pag-aaway ng ating mga komunidad ang ating mga pagkakaiba (Let us respect everyone's right to choose and not allow our differences to become a reason for our communities to clash),” ani Macacua.


Hinimok din niya ang mga kandidato at botante na iwasan ang paninira at maruming pulitika.


“Maging responsable rin tayo sa mga salitang ginagamit natin at mga kuwentong ipinapakalat. Huwag nating palakihin ang mga bagay na maaaring muling magbukas sa mga sugat ng nakaraan at magbalik ng pagdududa sa pagitan ng mga Bangsamoro, pambansang pamahalaan, at ating mga kapwa Pilipino (Let us also be responsible with the words we use and the stories we spread. Let us not exaggerate matters that could reopen the wounds of the past and revive suspicions among the Bangsamoro, the national government, and our fellow Filipinos),” ani Macacua, na kandidato rin sa pagka-parliamentary representative ng Fifth District ng Maguindanao del Norte.


“Maaaring magkakaiba ang ating mga boto, ngunit iisa ang ating hangarin na gawin itong susi sa ating kinabukasan. Anuman ang maging resulta ng halalan, magpapatuloy tayong magtulungan sa pagbuo ng Bangsamoro (Our votes may be different but we share one desire to make them the key to our future. Whatever the outcome of the election, we will continue to work together in building the Bangsamoro).”


Mahigit 800 guro umatras sa tungkulin sa halalan


Samantala, mahigit 800 guro sa mga pampublikong paaralan na nakatakdang magsilbi bilang mga miyembro ng electoral board (EB) ang umatras sa kanilang tungkulin, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia nitong Linggo.


Sa isang panayam, sinabi ni Garcia na karamihan sa mga guro ay may kaugnayan sa mga kandidato.


Sinabi ni Garcia na mga pulis na sinanay ng Department of Science and Technology (DOST) ang pumalit sa mga umatras na guro bilang mga miyembro ng EB.


“Napaghandaan na natin ito kaya handa tayo (We have anticipated this so we are prepared),” ani Garcia.


Sa Cotabato City lamang, 137 guro ang hindi dumalo sa final testing at sealing ng mga automated counting machine nitong Sabado.


May iba pang gurong umatras sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Tawi-Tawi at BARMM Special Geographic Area.


bottom of page