Houthis ng Yemen, nagbanta ng mas marami pang pag-atake sa mga paliparan at pasilidad ng langis sa Saudi Arabia
Timour Azhari, Jana Choukeir at Tala Ramadan / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 15, 2026 at 3:06:20 AM
Pinsala sa loob ng isang residential building sa Riyadh, Saudi Arabia, na ayon sa mga awtoridad ay isa sa 15 bahay na napinsala noong Oktubre 13 dahil sa mga piraso ng missile na bumagsak bunsod ng pagharang sa dalawang cruise missile. Inilabas ang larawang ito noong Oktubre 14, 2026.
Saudi Press Agency / Handout sa pamamagitan ng Reuters
RIYADH — Nangako ang grupong Houthi ng Yemen nitong Miyerkules na ipagpapatuloy nito ang mga pag-atake sa mga paliparan at pasilidad ng langis sa Saudi Arabia. Sinabi rin ng grupo na tinamaan nito ang punong tanggapan ng higanteng kompanya ng langis na Saudi Aramco, na inatake rin noong Martes.
Ayon sa grupong Houthi, na kaalyado ng Iran, naglunsad ito ng mga ballistic missile, cruise missile, at drone laban sa mga pasilidad ng Saudi Aramco sa lungsod ng Dhahran sa silangang bahagi ng Saudi Arabia, King Khalid International Airport sa Riyadh, at isang refinery ng Aramco sa Riyadh. Gayunman, hindi nito tinukoy kung kailan isinagawa ang mga pag-atake.
Lalong tumindi ang mga pag-atake ng Houthi sa Saudi Arabia nitong nakaraang linggo. Kabilang dito ang pag-atake sa paliparan ng Riyadh noong Sabado na ikinamatay ng 13 katao.
Ayon sa Houthi, gumaganti lamang sila sa pagsuporta ng Saudi Arabia sa mga puwersa ng pamahalaan ng Yemen sa digmaang muling sumiklab noong nakaraang buwan dahil sa komprontasyon ng Estados Unidos at Iran sa rehiyon ng Gulf.
KOALISYONG PINAMUMUNUAN NG SAUDI ARABIA, SINABING NAPIGIL ANG MISSILE
Sa isang malawakang babala, hinimok ng Houthi ang “international shipping companies,” mga sibilyan, at mga manggagawa na lumikas mula sa mga paliparan at pasilidad ng langis na idineklara nitong mga lehitimong target ng militar.
Sinabi naman ng koalisyong pinamumunuan ng Saudi Arabia na naharang nito ang isang ballistic missile na inilunsad ng Houthi patungo sa Riyadh nitong Miyerkules. Ilang malalakas na pagsabog din ang narinig sa kabisera ng Saudi Arabia.
Nauna nang naglabas ng babala ang mga awtoridad ng Saudi Arabia tungkol sa posibleng banta mula sa himpapawid sa Riyadh nitong Miyerkules, bago ito inalis, ayon sa isang saksi. Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng mga narinig na pagsabog, at wala pang agarang pahayag ang mga awtoridad tungkol sa pinagmulan ng mga ito.
Malaking dagok sa malaking plano ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman ang lumalalang sigalot. Layunin ng prinsipe na baguhin at palawakin ang ekonomiya ng Saudi Arabia upang mabawasan ang pagdepende nito sa langis.
Ayon sa Saudi Energy Ministry nitong Martes, nagkaroon ng sunog na limitado lamang ang lawak sa punong tanggapan ng Saudi Aramco kasunod ng pag-atake. Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi.
Matatagpuan sa Dhahran ang isang malaking complex na nagsisilbing pangunahing sentro ng operasyon ng Aramco. Pinangangasiwaan ng kompanya ang malawak na network ng mga pasilidad sa pagbabarena ng langis sa lupa at dagat, mga pipeline, refinery, at terminal para sa pagluwas ng langis.
Nauna nang sinabi sa Reuters ng isang source mula sa kompanya na isang ballistic missile ang tumama sa complex ng punong tanggapan ng Aramco. Ayon sa source, tinamaan ang isang gusaling may mga opisina at napinsala ang tatlong pinakamataas na palapag nito.
Apat na beses nang inatake ang international airport ng Riyadh, kabilang ang pag-atake noong Sabado na itinuturing na pinakamadugong insidente sa Saudi Arabia sa nakalipas na sampung taon. Isinara ng mga awtoridad ang paliparan hanggang Oktubre 17, habang kinansela naman ng mga airline ang mga flight patungong Saudi Arabia.
Dahil sa pangambang lumawak ang impluwensiya ng Iran at magdulot ng kaguluhan sa mga hangganan nito, nakialam ang Saudi Arabia sa digmaang sibil sa Yemen noong 2015 upang suportahan ang pamahalaan ng bansa, matapos agawin ng Houthi ang kabisera nitong Sanaa.
Noong 2022, namagitan ang United Nations upang makamit ang tigil-putukan sa pagitan ng mga naglalabang panig sa Yemen. Napanatili nito ang bahagyang kapayapaan hanggang sa muling lumala ang sitwasyon ngayong taon.

