top of page

Halalan sa barangay at SK, ipinagpaliban ni Pangulong Marcos

Sandra Samala-Salem

September 25, 2026 at 8:44:11 AM

Larawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinalawig ni Pangulong Marcos mula tatlo hanggang limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. (Screengrab ng larawan mula sa Facebook page ni Pangulong Marcos)

Mula sa Facebook page ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

MANILA — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), dahilan upang mapalawak mula tatlo hanggang limang taon ang termino ng lahat ng halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).


Sa isang Facebook post nitong Biyernes, inanunsyo ni Marcos ang paglagda sa Republic Act No. 12326, na paglilipat sa regular na BSKE mula Nobyembre 2, 2026 sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.


“Ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod. Sa paglagda natin sa Republic Act No. 12326, na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, malinaw ang ating inaasahan sa ating mga kasalukuyang opisyal (The additional time in office is additional time to serve. In signing Republic Act No. 12326, which sets a five-year term for barangay and Sangguniang Kabataan officials, our expectations of our current officials are clear),” ani Marcos.


“Gamitin ang panahong ito upang mas pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad, pamilya at kabataan (Use this time to improve public service, complete programs that have already been started, and focus more closely on the needs of every community, family, and young person),” dagdag pa nito.


Ayon sa Pangulo, ang pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK ay hindi lamang dagdag na panahon sa panunungkulan kundi “dagdag na panahon para managot sa taumbayan (additional time to be accountable to the people)."


Sa ilalim ng RA No. 12326, na nilagdaan ni Marcos nitong Huwebes, hanggang dalawang magkasunod na termino lamang maaaring magsilbi ang mga halal na opisyal ng barangay sa parehong posisyon. Para naman sa mga opisyal ng SK, hanggang isang termino lamang ang maaari nilang pagsilbihan sa parehong posisyon.


Idaraos ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at kada limang taon pagkatapos nito.


Ang mga mababakanteng puwesto sa SK ay pupunan sa pamamagitan ng appointment ng city o municipal mayor, basta’t pasok sa mga rekisito ng RA No. 10742 ang itatalaga.


Hindi saklaw ng appointment ng mayor ang mababakanteng posisyon ng SK chairperson. Sa halip, ito ay pupunan sa pamamagitan ng succession o paghalili alinsunod sa itinakdang proseso.



bottom of page