top of page

Greenland: Patuloy ang diyalogo sa US para maresolba ang alitan

Sari Story

September 3, 2026 at 3:59:49 AM

Larawan nina Jeppe Bruus at Mute Egede

Si Danish Defense Minister Jeppe Bruus ay sinalubong ni Greenland Minister for Foreign Affairs, Business, and Minerals Mute B. Egede sa Nuuk Airport sa Greenland noong Agosto 26, 2026.

Kuha: Ritzau Scanpix/Thomas Traasdahl/Reuters

Nagpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng Greenland at Estados Unidos hinggil sa kinabukasan ng Arctic Island, sinabi ito ni Greenland Foreign Minister Mute Egede nitong Miyerkules.


Tumanggi naman si Egede na magbigay ng mga detalye tungkol sa kanilang mga pag-uusap.


Matatandaang, nagdulot ng tensyon sa pagitan ng Washington at Copenhagen ang mga pahayag ni US President Donald Trump na kailangang mapasailalim sa Estados Unidos ang Greenland, isang semi-autonomous na teritoryo ng Denmark. 


Kapwa founding members ng NATO ang dalawang bansa at umabot din ang usapin sa iba pang bahagi ng Europe. Gayunman, ang isyu ay nakatuon na ngayon sa diplomatikong proseso.


“Masigasig na nagtatrabaho ang mga opisyal upang malutas ang sitwasyon. Sa kasamaang-palad, hindi ko maaaring ibahagi ang mga detalye ng mga pag-uusap na iyon, ngunit ang masasabi ko ay nagpapatuloy ang aming diyalogo,” ani Egede sa isang debate sa European Parliament.


bottom of page