top of page

DOJ hiniling sa Senado na ibalik ang ₱1.1-bilyong confidential fund ng kagawaran

Sandra Samala-Salem

September 25, 2026 at 9:53:06 AM

Larawan ni Justice Secretary Fredderick Vida

Screengrab ng larawang inilathala sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Wendell D. Alinea / Senate Social Media Unit

Hiniling ng Department of Justice o DOJ sa mga senador nitong Huwebes na ibalik sa 2026 level na nasa 1.1 bilyong piso ang confidential fund nito.


Ayon sa DOJ, maaaring maapektuhan ang pangangalap ng impormasyon, witness protection, at mga operasyon laban sa human trafficking at cybercrime kung mababawasan ang pondo.


Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DOJ, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na umaasa ang kagawaran na mapanatili ang kasalukuyang antas ng pondo, sa halip na ang tinatayang 579.4 milyong pisong nakalaan para sa susunod na taon.


“Ang amin pong hiling sana ay maibalik man lang yung 2026 level para hindi maapektuhan nang malaki (Our request is to at least restore the 2026 level so our operations will not be greatly affected),” ani Vida.


Bahagi ang mga panukalang alokasyon ng 7.2-trilyong pisong National Expenditure Program o NEP para sa 2027 na isinumite ng ehekutibong sangay sa Kongreso.

Ayon kay Vida, mararamdaman ang pagbawas ng pondo sa ilang confidential activities ng kagawaran.


Para sa central office ng DOJ, sinabi niyang 34 milyong piso lamang ang iminungkahi, kumpara sa 214 milyong pisong hinihingi ng kagawaran.


Samantala, nasa 319.9 milyong piso ang inilaan para sa Witness Protection Program, sa halip na 500 milyong pisong nais ibalik ng DOJ.


Binanggit din ni Vida ang Inter-Agency Council Against Trafficking, na may 10 milyong pisong pondo. Aniya, kailangan ng karagdagang resources dahil sa lumalaking hamon sa kanilang mga operasyon.


Partikular ding binigyang-diin ni Vida ang panukalang confidential fund para sa cybercrime operations. Aniya, nais ng DOJ na maibalik ang pondo dahil nangangailangan ang mga operasyon ng koordinasyon sa pagitan ng DOJ, National Bureau of Investigation o NBI, Department of Information and Communications Technology at iba pang ahensya.


Sa pagdinig, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na ang taunang confidential fund para sa cybercrime operations ng DOJ ay katumbas lamang ng humigit-kumulang 35 libong piso kada buwan.


“Kung i-divide mo ng 12, 35,000 a month? … Ano ma-accomplish mo (If you divide it by 12, that's PHP35,000 a month. What can you accomplish)? tanong ni Lacson.


Hiniling din ni Vida na mabigyan ng hindi bababa sa limang milyong pisong pondo ang National Coordination Center laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children o OSAEC at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials o CSAEM.


Ayon kay Vida, walang confidential fund na inilaan para rito sa panukalang budget. Sinabi rin niyang mas nagiging komplikado ang paglaban sa mga naturang krimen.


Samantala, sinabi ni Senate Committee on Finance Chair Joseph Victor “JV” Ejercito na mas mahigpit na susuriin ang confidential at intelligence funds sa budget deliberations ngayong taon.

Gayunman, kinilala niya na may mga pangangailangang operasyonal ang mga ahensyang sangkot sa law enforcement, imbestigasyon at national security na nangangailangan ng naturang pondo.


Samantala, mananatili sa 20 milyong piso ang confidential fund ng Bureau of Immigration sa ilalim ng panukalang budget, kapareho ng halaga ngayong taon.


Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, makatutulong ang karagdagang pondo sa intelligence force na wala pang 100 ahente na nagsasagawa ng operasyon sa buong bansa, kabilang ang paghahanap sa mga pugante.


“Nationwide po ang operations namin. So makakatulong po nang malaki kung iyan po ay madadagdagan (Our operations are nationwide, so an increase would help us greatly),” ani Viado.



bottom of page