DND muling pinagtibay ang alyansa ng Pilipinas at US sa ika-75 anibersaryo ng MDT
Sari Story
September 2, 2026 at 8:07:31 AM
Muling pinagtibay ng Department of National Defense (DND) nitong Linggo ang paninindigan ng Pilipinas sa matagal nang alyansa nito sa United States (US), kasabay ng paggunita ng dalawang bansa sa ika-75 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Sa isang pahayag, inilarawan ng DND ang kasunduan bilang “batong-panulok” ng magkasanib na pangako ng dalawang bansa para sa kapayapaan, katatagan, at pagtatanggol sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Ayon sa DND, patuloy na umuunlad ang alyansa kasabay ng lalong nagiging komplikadong kalagayang panseguridad. Kabilang dito ang lumalawak na bilateral at multilateral na pagsasanay-militar, koordinasyong operasyon, pagpapaunlad ng kakayahan ng sandatahang lakas, kooperasyon sa seguridad sa karagatan, at humanitarian assistance and disaster response.
“Ang mga pagsisikap na ito ay nagpaigting sa interoperability, nagpalakas sa deterrence, at nagpakita ng ating sama-samang determinasyon na itaguyod ang seguridad at katatagan sa rehiyon,” ayon sa DND.
Nilagdaan ng Pilipinas at US ang MDT noong Agosto 30, 1951, na nagsilbing balangkas ng kanilang alyansang pangdepensa.
Sa paglipas ng mga taon, pinatatag pa ang kasunduan sa pamamagitan ng iba pang defense arrangements, kabilang ang Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Lalong naging mahalaga ang alyansa habang humaharap ang Pilipinas sa mas mahirap na kalagayang pangseguridad sa rehiyon, partikular sa South China Sea, kung saan nagpapatuloy ang tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing.
Pinabibilis din ng Pilipinas ang modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pinalalakas ang kakayahan nito sa external defense.
Ayon sa DND, nananatiling nakatuon ang Pilipinas at US sa pagbuo ng isang “mas sustainable, agile, at produktibong partnership” na nakabatay sa paggalang sa isa’t isa, magkakatulad na interes, at international law.
Sinabi nitong magpapatuloy ang dalawang bansa sa pagsusulong ng isang rules-based international order, pangangalaga sa freedom of navigation, pagpapalakas ng regional resilience, at pagpapanatili na ang alyansa ay magsilbing puwersa para sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran.
AFP muling pinagtibay ang alyansa
Samantala, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling batong-panulok ang MDT ng matagal nang partnership ng Pilipinas at US sa larangan ng depensa at seguridad.
Binanggit nito ang mga military exercise, kooperasyon sa maritime security, humanitarian assistance and disaster response, at iba pang ugnayan bilang mahahalagang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng dalawang sandatahang lakas.
“Sa paggunita natin sa mahalagang anibersaryong ito, muling pinagtitibay ng AFP ang pangako nitong higit pang palakasin ang alyansa, paigtingin ang ating defense capabilities at interoperability, at mag-ambag sa isang malaya, bukas, mapayapa, at ligtas na Indo-Pacific,” pahayag nito.

