Cayetano dumipensa sa Taguig Lakeshore, hinamon si Senador Lacson na maglabas ng ebidensya
Sari Story
September 2, 2026 at 7:21:12 AM
MANILA, Pilipinas —Binuweltahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga nagsasabi na nasayang ang pondo ng bayan sa Taguig Lakeshore development, at iginiit na patuloy na nagsisilbi ang pasilidad sa komunidad sa ilalim ng pamamahala ng lungsod.
Sa isang pahayag na inilabas noong National Heroes Day, ipinagtanggol ni Cayetano ang proyekto at binigyang-diin ang patuloy nitong paggamit bilang lugar para sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, libangan, at mga lokal na negosyo.
“Hindi po sinayang at hindi sinasayang ang Lakeshore. Let’s not let politics rob this generation and future generations of the opportunity to reap its benefits,” ani Cayetano, bilang pagtutol sa mga pahayag na napabayaan o iniwan na ang lugar.
Ang pahayag ni Cayetano ay tugon sa mga alegasyong inihain ni Senador Panfilo Lacson, na nagsabing maaaring nasayang ang ₱3.713 bilyong halaga ng mga natapos, isinasagawa, at sinuspindeng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taguig—na umano’y itinayo sa reclamation area.
Binanggit ni Lacson ang posibleng mga iregularidad at sinabing plano niyang ipadala ang mga natuklasan sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang imbestigasyon.
Nagbabala naman si Cayetano laban sa paggamit ng mga usaping pulitikal sa mga imbestigasyon hinggil sa korupsiyon at flood control. Aniya, dapat nakabatay sa ebidensiya ang mga pagsisiyasat at nakatuon sa tunay na pananagutan sa halip na sa pamumulitika.
“Natatalo ng partisan politics ang tapat na paghahanap ng solusyon. Perpektong halimbawa rito ang korupsiyon at flood control,” ani Cayetano.
Hinamon din niya si Lacson na patunayan ang mga alegasyon sa pamamagitan ng pormal na proseso sa batas sa halip na sa harap ng publiko.
“Kung may ebidensiya laban sa DPWH, Taguig, o laban sa akin, ilabas ito. Itigil ang mga palabas at hayaang ang ebidensiya ang magsalita sa tamang hukuman kung saan nakatitiyak ang patas na proseso,” ani Cayetano.
Binigyang-diin ni Cayetano na dapat ituon ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang pansin sa paglutas ng mga agarang problema ng bansa at tiyaking nagbubunga ng konkretong pakinabang sa mga mamamayan ang paggamit ng pondo ng bayan.
“Every hour the government spends on political warfare instead of solving problems is wasted. Every peso spent on projects that do not serve the people is wasted. Every opportunity to reform a broken system sacrificed for personal or partisan advantage is wasted,” dagdag niya.

