British royal family, humaharap sa panibagong krisis
Sari Story
September 23, 2026 at 2:33:22 AM
LONDON — Sa loob ng ilang dekada, sunod-sunod na krisis ang hinarap ng Buckingham Palace — mula sa pagkamatay ni Princess Diana, at memoir ng kanyang anak na si Prince Harry, hanggang sa mga iskandalong kinasangkutan ni Andrew Mountbatten-Windsor. Gayunman, sa bawat pagkakataon ay nakabangon ang British monarchy, bagama’t nasaktan, ngunit hindi natinag.
Sa pinakabagong kontrobersiya na dulot ng isang aklat ni Charles Spencer, kapatid ng unang asawa ni King Charles na si Diana, muling sinusubukan ng makasaysayang institusyon na makabangon nang hindi nagkakaroon ng pangmatagalang pinsala sa reputasyon nito.
“Mas malala talaga ang nangyari noong dekada 90. Mas malala rin, masasabi ko, ang aklat ni Harry na ‘Spare.’ Napakalaki ng ingay noon, pero hindi man lang gumalaw ang resulta ng mga opinion poll. At sa tingin ko, ganoon din ang mangyayari ngayon (The 90s were very much worse. I would argue Harry's book 'Spare' was very much worse. It was a huge noise at the time and the opinion polls didn't move one jot and I don't think they will this time either),” sabi ng veteran royal author na si Robert Hardman.
“Gaya ng palaging sinasabi ng yumaong Queen Elizabeth, ‘lilipas din ang unos na ito (As the late queen (Elizabeth) always used to say, 'this storm, too, shall pass',” dagdag niya.
Hindi na bago sa British royal family ang kaguluhan at kontrobersiya. Patuloy na sinusubaybayan ng mga tao sa buong mundo ang kanilang buhay, pag-ibig at mga alitan — kabilang na si US President Donald Trump.
Mula sa pagbibitiw ni King Edward VIII sa trono noong 1936, sa mga problema sa pagsasama ng mga anak ni Queen Elizabeth noong dekada 1990, hanggang sa mga kontrobersiyang kinasangkutan nina Harry at ng kanyang asawa na si Meghan nitong mga nakaraang taon, paulit-ulit nang nakaharap ang pamilya sa mga krisis na itinuturing na banta sa kinabukasan ng monarkiya, bagama’t karaniwan ding nakaliligtas.
Sa loob ng ilang dekada, nanatiling isang sugat na hindi tuluyang naghihilom ang pagkamatay ni Diana — ang tinaguriang “people’s princess” na ikinasal kay Charles sa isang mala-fairy tale na pag-iisang dibdib noong 1981, nakipagdiborsiyo sa noo'y tagapagmana ng trono noong 1996, at namatay sa isang car crash makalipas ang isang taon.
Ngayon, muling nabuksan ang sugat dahil sa aklat ng kanyang kapatid na si Charles Spencer na “Swan Song: Diana, My Sister.” Muli nitong ipinaalala sa publiko ang matitinding puna ni Diana laban sa institusyon ng monarkiya at partikular na laban sa kanyang dating asawa.
Kapansin-pansin na ilang oras lamang matapos mailathala nang sunod-sunod sa Daily Mail ang mga bahagi ng aklat ni Spencer, naglabas ang Buckingham Palace ng pahayag na nagsasabing maaaring nakaapekto ang matinding pagdadalamhati nito sa kanyang pangangatwiran, pagpapasya at memorya.
Sinabi naman ng royal commentator na si Afua Hagan sa Reuters na may kaakibat na panganib ang direktang paraan ng pagtugon ng Palasyo.
“Sa tingin ko, medyo malamig at malayo ang naging dating nito, at nagpapaalala iyon sa mga sinabi ng mga tao tungkol sa royal family noong mga panahon matapos masawi ni Princess Diana. (I do think it was quite cold, quite aloof, and that kind of harks back to what people said about the royal family in those days after Princess Diana died),” giit niya.
Ngunit ayon kay Hardman at sa mga taong malapit sa hari, lilipas din ang kontrobersiya.
“Nagdulot ito ng maliit na pinsala sa panlabas na bahagi, pero hindi naman nabiyak ang pangunahing istruktura (It dents the bonnet but doesn’t crack the chassis),” sabi ng hindi pinangalanang kaibigan ng hari sa Sunday Times.
“NEVER COMPLAIN, NEVER EXPLAIN”
Ang pagkamatay ni Diana noong 1997 at ang matinding batikos ng publiko laban sa isang monarkiyang itinuring na malayo sa karaniwang mamamayan ay nagtulak sa royal family na baguhin at gawing mas propesyonal ang kanilang paraan ng pakikipagkomunikasyon sa publiko.
Binago rin nila ang kanilang dating patakaran na “never complain, never explain” o huwag magreklamo at huwag magpaliwanag.
Kung may panganib para sa royal family ngayon, ito ay dahil dumating ang aklat sa gitna ng walang katapusang kontrobersiyang kinasasangkutan ng nakababatang anak ng hari na si Harry, gayundin ng patuloy na imbestigasyon ng pulisya tungkol sa kanyang nakababatang kapatid na si Mountbatten-Windsor.
Ang sunod-sunod na negatibong balita ay nakakasagabal sa mga aktibidad na nais ipaalam ng royal family sa publiko at, higit sa lahat, ang mga gawaing ginagamit upang bigyang-katwiran ang milyun-milyong dolyar mula sa taxpayers na natatanggap nila bawat taon.
Noong nakaraang linggo, halos hindi nabigyan ng pansin ng mga pahayagan ang pagbisita nina Prince William, ang panganay na anak at tagapagmana ng hari, at ng kanyang asawang si Kate sa Scotland — isang uri ng royal engagement na karaniwang lumalabas sa mga front page.
“Ang magagawa lamang nila ay manatiling kalmado at ipagpatuloy ang kanilang ginagawa. Pero sa kasamaang-palad, hindi iyon ang kinakailangang balita at hindi iyon ang gustong marinig ng mga tao (All they can do is keep calm and carry on. But unfortunately, that's not necessarily the news and what people want to hear about),” saad ni Hagan.
“Sa madaling salita, natatabunan ang mga working royal ng lahat ng iba pang nangyayari (The working royals are being overshadowed, essentially, by all the other things that are happening),” dagdag niya.
Bagama’t hindi komportable para kay Charles at sa ilan sa mga taong malapit sa kanya ang nilalaman ng aklat ni Spencer, hindi naman ito gaanong kritikal sa monarkiya bilang isang institusyon. Maaaring hindi ito nakakagulat dahil ang kanyang pamangkin na si William, na malinaw nang nagsabing iba ang kanyang magiging paraan, ay siyang inaasahang magiging hari balang araw.
“Para sa akin, medyo nakababahala ang ilan sa mga palamuting nakapaligid sa monarkiya. Tingin ko, hindi mabuti para sa isang tao na ituring sa ganitong kaluma at mapagpakumbabang paraan. Pabor ako sa monarkiya, pero gusto ko ng isang makabagong monarkiya (I find some of the flummery around the monarchy quite jarring. I don't think it's healthy for a human being to be seen in such archaic, servile terms. I'm all for a monarchy but I'd like a modern monarchy),” giit ni Spencer sa BBC.

